sanaysay

Wednesday, November 17, 2004

pambubuliglig



pambubuliglig:
mga tala
ng pagtula


Pasakalye

“Tay totoo bang napulot n’yo lang ako sa tae ng kalabaw?”
Paulit-ulit ang tanong na ito sa akin ng bunso kong anak. Ano man ang maging sagot ko sa kanya, manganganak at manganganak ng di-magkamayaw na bakit ang kanyang tanong. Wala siyang pinipiling oras at lugar: sa hapag-kainan, habang nanunuod ng telebisyon, sa paliligo, sa jipni, sa higaan.
Minsan, pagkatapos ng mahabang pagkukwento na hinaluan ko na ng teknik pang-meditasyon at hipnotismo, inakala kong mapapasaakin na ang tulog na may kung ilang araw at gabi ko na ring ipinupundar. Nakapikit na ang aking anak. Wala na akong ibang naririnig kundi ang aking hininga at wala nang pinakamatamis na gawin kundi ang pumikit. Pero di pa naglalapat ang mga pilik ng aking mga mata ay parang sawang gutom na tumuklaw ng sisiw ang kanyang tanong.
Magdamag kong pinulot ang sumabukay na mga balahibo ng aking antok.
Hindi siya napipigil ng aking paggagalit-galitan o kahit ng totoo kong galit. May mga sandaling napapakalma siya ng aking pakiusap pero hindi para tuluyan nang manahimik kundi para rumesbak. Nang mas malakas, nang mas mausisa.
Hanggang dumating ang panahong isinaboy ko na sa hangin ang hinabi kong buhangin. Inamin kong hindi totoo na napulot lamang siya sa tae ng kalabaw. Biro lamang iyon, paglalambing.
Gumuhit sa kanyang mga mata ang ngiti. Sa wakas, sabi ko sa sarili, matatahimik na rin ako. Pero akala ko lamang pala ‘yon. Muling umalimbukay ang kanyang mga tanong. “Bat nyo pala ako pinapagalitan?” “Bat si Ate...?” “Bat Cielo Azul ang pangalan ko?” Walang puknat na pambubuliglig...
Pambubuliglig ang puso’t pulso ng aking pagtula.
Higit sa pagtatala ng karanasan, naniniwala akong ang pagtula ay isang pambubuliglig. Importante ang pagtatala pero hindi ako komportableng ito ang maging pangunahing silbi o katangian ng aking pagtula. Parang pag-uutos lamang ito kay Michael Jordan na magsyut ng holen sa bunganga ng dram.
Naengganyo rin akong ibansag sa aking pagtula ang mga salitang paglikha at pagwasak pero hindi rin ako nasiyahan. Delikado para sa akin ang simpleng paglikha. Masarap pakinggan pero mapanglansi. Tingnan na lamang halimbawa ang sangkatutak na panlilinlang sa masmidya na nililikha ng kung sino-sinong makata. Masyadong kimi at nyutral ang paglikha para sa bayang binubusabos na ay tumatanaw pa ng utang na loob sa nambubusabos.
May dating ang pagwasak, tunog radikal, palaban. Pero may pagkabara-bara. Parang taong hambalos nang hambalos wala namang tinatamaan. Nakakapagod: ibagsak!wasakin! ibagsak! Lalo namang tumitibay ang ibinabagsak, ang winawasak.
Kaya pinili ko ang pambubuliglig – pag-urirat, pagbusisi, pag-usisa, pagdalirot. Isa itong walang sawa at walang patawad na pagkwestyon na siyang binhi ng “pagsalungat o paglihis sa anumang kombensyon at orden sa loob at labas ng panitikan.” (Almario 141) Kung gayon, ang pambubuliglig ay hindi maisasantabing hakbang ng epektibong pagwasak at paglikha. At kung tutuusin, bawat tula ng pambubuliglig ay isa ring pagwasak at paglikha. Nang ipahayag, halimbawa, ni Benigno R. Ramos na
Kung ikaw, Panulat, ay di magagamit
kundi sa paghamak sa Bayang may hapis
manong mabakli ka’t ang taglay mong tulis
ay bilugin ako’t sugatan sa dibdib.
(mula sa “Panulat”)
at ni Jesus Manuel Santiago na
Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako’y bigyan
ng isang taling kangkong
di kaya’y isang bungkos ng
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong,
walang mata.
(mula sa “Kung ang Tula ay Isa Lamang”)
ay binuliglig nila ang paniniwalang ang tula ay pumpon lamang ng mga salita at walang pakialam sa lipunan. Sa pambubuliglig na ito, sinalungat ng dalawang tula ang baog na formalistang pagtingin na “verbal art ends finally and fully with the word” (Trotsky 364) at ang iginigiit ng estrukturalismo na ang panitikan ay isang hiwalay at nagsasariling (autonomous) estrukturang verbal, sarado at walang anumang kaugnayan sa external na reyalidad (Eagleton 80).
Kasabay nito, pinagitaw ni Ramos at ni Santiago sa nabanggit na mga tula ang mahigpit na ugnayan ng makata at ng lipunan. Pinatunayan nila na hindi lamang simpleng expresyon ng saloobin ng indibidwal ang tula. Ito ay isang panlipunang gawaing hinuhubog at humuhubog ng kasaysayan (Brecht: Poetry 483)
Sa pamamagitan ng nabanggit na mga akda, nilikha ng dalawang makata ang bagong mukha ng tula sa kani-kaniyang panahon: karahasan ng mananakop na Hapones kay Ramos at karahasan ng diktadura kay Santiago. Hindi napawi ng bagong mukha ng pagtulang ito ang gutom ng bansa (na talaga namang hindi kayang gawin ng tula) pero naniniwala akong sinuhayan nito ang paghugis ng bagong tradisyon ng pagtula sa Pilipinas – pagtulang bumubuliglig sa sarili. Naniniwala akong ang diwa ng ganitong pag-usisa sa sarili ay patuloy na uukilkil sa kamalayan ng mga makatang nakikisangkot o nagnanais makisangkot sa paglikha ng kaayusang magpapanumbalik ng tiwala at pagmamalaki ng Pilipino sa kanyang sarili at bansa.
Sa kabuuan, itinuturing ko ang pagtula na isang akto ng pambubuliglig-pagwasak-paglikha. Kung ganito, sa pagsulat ni Ramos ng “Panata” at ni Santiago ng “Kung ang Tula ay Isa Lamang”, hindi maiiwasang itala rin nila ang kristalisadong katas ng kanilang mga karanasan at paglalakbay sa mundo ng pakikisangkot.
Dalawang bagay ang pinagkunan ko ng inspirasyon ng konsepto ng tulang nambubuliglig: kakulitan ng bata at daloy ng ilog. Hahanguin ko sa kakulitan ng bata ang walang patumangga at walang puknat na pagtatanong o pag-uusisa. Sa ilog ko naman kukunin ang inspirasyon ng direksyon, pag-angkop, at “pagsuwag” sa sarili ng tula.
Nakakabilib ang mga “bakit” ng bata. Walang patawad, walang pinipiling panahon at lugar. Gaya ng mga tanong ni Cielo Azul, ang batang ikinukuwento ko sa Pasakalye, kaya nitong bulabugin ang gaano man katinding halina ng pagkahulog sa antok o pagtulog. Sabi ko sa aking sarili: Sana ganito ang aking pagtula, kayang lumimbuwasang ng mga taong natutulog, nagtutulug-tulugan, o inaantok.
Samantala, namamangha ako sa ilog. Walang humpay ang agos, paiba-iba ang anyo depende sa lugar na dinadaluyan nito. At gaano man magpalikaw-likaw, tiyak na pupunta sa dagat.
Depende sa tereyn, puwede itong maging lawa, ilog, sapa, saluysoy. Depende sa panahon, puwede itong maging rumaragasang daluyong o mga pinong pitik ng alon o isang salaming sapo ang kabughawan ng langit.
Kaya nitong wasakin ang hulmahang nagbibigay dito ng hugis. Kaya nitong tungkabin ang pampang at umukit ng bagong daluyang muli nitong babaguhin, kundi man tuluyang wawasakin.
Sabi ko sa aking sarili: Sana maging tulad ng ilog ang aking pagtula, kayang mag-iba-iba ng anyo, kayang umangkop. Depende sa lugar at panahon, kayang maging epiko o bugtong; malayang taludturan o may tugma’t sukat; tulatsay ni German Gervacio o jologspeak ni Paolo Manalo o tularo ni Vim Nadera; haiku o soneto. Depende sa lugar at panahon, kayang mag-alsa boses o maging matimpi o maging mapaglaro.
At ano man ang mangyari, tulad ng ilog na tumutugpa sa dagat, lagi sana itong nakatuon ito sa paglilingkod sa sambayanan.
Gayundin, tulad ng tubig-ilog na tumutungkab sa sariling hulmahan at muling umuukit ng bagong daluyan, naniniwala akong kailangan ding buligligin o suwagin ng tula o makata ang sarili. Dahil kung matatakot akong gawin ito, paano ako epektibong makapambubuliglig?
a
Noong una para lamang isang malabong larawan sa magalaw na tubig ang ganitong pagkakakilala ko sa pagtula. Minsang maaninaw, minsang malabusaw. Hindi ko naman alam noon na isang uri ng kapangyarihan ang tula, at hindi ko rin inisip na ito ay sining. Ang alam ko basta tula lamang ako nang tula. Para makapaglabas ng saloobin, para simpleng makapangulit tulad ng pangungulit ng aking anak.
Ngayon na lamang ako nakapagtuon ng masinsinang pagbusisi sa aking pagtula. Kung hindi pa ako magti-tesis ay di ko makikilatis na sa pangkalahatan ay may komon palang itinitibok ang aking mga tula. Gaano man ito katimpi o kaingay, anuman ang porma at paksa nito, pagsisid man sa sarili o pag-usisa sa lipunan, ang tula ko ay himig pambubuliglig. Mauulinig na ang ganito sa kauna-unahang tula na isinulat ko noong nasa ikaapat na baitang ako sa elementarya:
malamig na naman ang simoy ng hangin
tanda na ang Pasko’y darating
batang ulila, batang malungkutin
pagdating kaya ng Pasko’y sasaya rin?
Ito ang kauna-unahan kong pambubuliglig at mataimtim na pakikipag-usap sa sarili sa pamamagitan ng tula. Magpapasko noon, malayo ako sa aking nanay at mga kapatid, naiinggit sa mga kalarong kompleto ang pamilya, nakatira sa lolang sangkaterba ang inaalagaang apo, at higit sa lahat wala nang tatay. Namatay siya noong halos wala pa akong kamuwang-muwang sa mundo.
Alam kong walang sagot ang aking tanong pero naramdaman kong kailangan itong itanong. At tula ang naapuhap kong artikulasyon nito.
Tatlong dekada pa ang magdaraan at kakapit ang ganitong pambubuliglig sa aking pagtula. Pero malinaw na ngayon ang puno’t dulo nito. Mula sa tila-kabag na personal na sentimyentong batayan nito noon, mailalapat ko ito sa iba’t ibang danas-tao sa kontexto ng kalagayan at kasaysayan ng ating bansa. Mula sa simpleng pangungulit, titining sa akin ang paniniwalang ang tula ng pambubuliglig ay isa ring akto ng pagwasak at paglikha, at paglaya. Naniniwala ako na walang tulang nalilikha nang hindi nagdaraan sa proseso ng pagwasak sa dati nang umiiral na kaisipan, pagpapahalaga, pananaw. At meron pa nga bang ibang daan ng paglaya maliban sa magkakasalikop na akto ng pambubuliglig, pagwasak, at paglikha?
Matutuhan ko na ang ganitong kaakuhan ng pagtula ay kapuwa pananagutan at kalayaan. Hindi lamang pala ito tungkol sa kalayaang usisain ang mga bagay at kaayusan sa labas ng sarili; tungkol din ito sa pananagutang buligligin ang sarili.
Hinubog ang aking kamalayan ng maagang pagsabak sa kahirapan ng buhay. Anim na taong gulang pa lamang ako ay naranasan ko na ang magdildil ng asin, ang mag-umagahan, mananghalian, at maghapunan ng lugaw. O kaya’y sumala sa oras.
Maagang lumatay sa dibdib ko ang katotohanang kailangang magpatulo ako ng pawis para mabuhay, para masuportahan ang sariling pangangailangan sa eskuwela. Nangangaligkig pa sa ginaw ng madaling-araw ang mga manok ay ginagalugad ko na ang aming bayan para magtinda ng pandesal. Pagkalitera naman sa hapon susunungin ko ang isang bilao ng bisukol (kuhol) para ilako. Hiyang-hiya ako noon sa aking mga kaeskuwela pero wala akong magawa. Kailangang kumayod para mabuhay. Kailangang tiisin ang pang-aasar. Ganito ko kinompronta sa tula ang karanasang iyon:
habang ipinapalakat ko nang pakanta
ang “bumili na kayo ng bisukol”
pinapanpanan ko ng aking mga siko ang aking mukha
upang salagin ang mga sibat ng ngisi at titig
ng aking mga kaeskuwela.
kung pwede lamang maging singtahimik ng bisukol...
pero kailangan kong sumigaw:
“buuumiliii naaa kayooo ng biiisukooooool”
kaya malayo pa ako’y alam na nila kung saan ako tatambangan.
at muli susundan ako ng walang katapusang tawanan at alingawngaw:
BUUUMILIII NAAA KAYOOOO NG BIIIISUKOOOL BIIIISUKOOOL BIIIISUKOOOL
hak hak hak hak.
(mula sa “ispeling”)
Noong una, kung paanong hindi ko maikubli ang butas sa aking tsinelas at syurtpan, hindi ko maitago ang galit at hiya na dulot ng ganitong sitwasyon. Pero darating ang panahong tatanggapin ko na kakambal ito ng kahirapan. Matututuhan kong itawa ang galit at hiya sa harap ng aking mga kaeskuwela pero pagkaraan ng maraming taon ay ihahagulhol ko ito sa aking mga tula.
Kapag Sabado at Linggo, tumutulong ako sa mga gawaing-bukid – nagbubunot ng damo, nagdidilig ng sibuyas at kung anu-ano pang gawain mula panahon ng pagtatanim hanggang anihan.
Sa pagitan ng mga trabaho sa bukid, nanghuhuli ako ng lukton, kuryat, susuhong at kung ano pang kulisap na puwedeng ulamin. Tumutulong akong mag-alit ng sabutan na ginagamit ng nanay ko sa paglalala ng banig. Sumasama ako sa pangangaso, pangingisda, pamamalaka, pananalagubang, pagsuyod sa gubat para mangabute o maghagilap ng kahit anong panlaman-tiyan.
Tuwing bakasyon, kasama ko naman sa pamumulot ng palay ang nanay ko. Nakalimutan ko na kung magkano ang presyo noon ng isang tabong palay pero natatandaan kong pagkatapos ng bakasyon ay makakabili ako ng isang kaking syurtpan at isang puting kamiseta mula sa pinagbilhan ng pinulot kong palay. Meron na akong pang-isang taong uniporme sa eskuwela. Inilalarawan ko ang karanasang ito sa tulang “pamumulot ng palay”:
tuwing gapasan
sinusuyod namin ni inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas
. . .
tila manok kaming bihasa
sa pagkahig at pagtuka
sa mga butil na nalaglag sa lupa.
mag-uumpisa kaming ga-sinulid
pa lamang ang guhit ng liwanag
sa tuktok ng burol at matatapos
kaming si inang na lamang
ang naaaninag ng aking mga mata.
Hindi ko naman itinuring na pasakit ang mga karanasang ito. Sa totoo lang, ito ang pinakamasayang yugto ng aking kamusmusan. Espiritu ng laro ang nangingibabaw sa mga ganitong gawain. Kasalikop ito ng paghahanap ng gagamba, pag-akyat sa mga puno, paglangoy sa ilog, pagbabaril-barilan, pagpapalipad ng saranggola. Kasudlong ito ng pagtutumbang-preso at kung ano-ano pang laro tuwing maliwanag ang buwan.
Mababakas ang ganitong saya sa sumusunod na mga linya:
kajag kajag kajag kajag kajag
sa daan itatahip naming buong-galak
ang mga sisidlang bundat
sa biyayang salagubang.
kajag kajag kajag kajag kajag
gerilya kaming hindi iniinda ang sugat
pagkat nakasakbat sa balikat
ang medalyang panlaman-tiyan.
kajag kajag kajag
(mula sa “salagubang”)
Ganitong emosyon din ang nangingibabaw sa tulang “tudtud”. Sa halip na pagkabagot at pagkapagod sa pangangabute, mas nanaig ang pagdama ng persona sa katawa-tawang yabang ng kanyang manong:
pagliko namin sa silong ng isang malagong kawayan
sinalubong kami ng isang tudtud, ga-tingting na ahas
na padangkal-dangkal na nakikipagbuno sa mga damo.
iglap akong tumigil at nag-ala tuod.
nang lingunin ko si manong
ga-dangkal na lamang ang kanyang laki
habang parang kalabaw siyang tumutulakbot.
Sa unang mga taludtod ng nabanggit na tula, mayabang na pinapayuhan ng manong ang persona tungkol sa gagawin kapag may ahas. Sinabihan niyang pumrente lamang ang persona at ahas ang matatakot.
Sa kabila ng ganitong musmos na saya, sa mga panahon ng pag-iisa, di maiiwasang buligligin ako ng lungkot at pagtatanong. Bakit kami mahirap? Bakit kailangang mamatay agad si tatay? Bakit may mga batang hindi nagtatrabaho pero kompleto ng gamit sa eskwela?
Kuwento at tula ang masusumpungan kong sumbungan ng ganitong mga sentimyento. Magbabasa ako o kaya’y magsusulat at mararamdaman ko ang paggaan ng lungkot na bitbit ng ganitong pag-usisa sa sariling karanasan.
a
Mahilig akong magbasa. Hindi pa ako naggi-greydwan ay kaulayaw ko na ang komiks. Sa bukid, tuwing oras ng pamamahinga sa tanghali, halos mapudpod ang aking hintuturo sa pagsaklay sa aking mata at bibig habang ginagaygay ng mga ito ang mga salita sa mga komiks na nakadikit sa dingding ng aming kubo. Dito magsisimula ang pagkahumaling ko sa panitikan. Ito ang unang karanasan ko sa kapangyarihan ng salita. Sa paglukso ng aking mga mata’t hintuturo sa mga letra, salita, pangungusap kasabay na lumulukso ang aking imahinasyon. Nakakapaglakbay ako kahit saan, nagagawa ko anuman ang aking gustuhin.
Nasusuot ko ang mga kadawagan sa gubat at nalalangoy ko ang madidilim na sulok ng ilog na kinatatakutan kong puntahan sa oras ng pagtatrabaho/paglalaro. Napapagapang ko sa imburnal ang aking mga kalaro sa tumbang preso; napag-iiba-iba ko ang aking anyo – gagamba, paniki, tigre, palos, dragon; nalilipad ko ang buwan at ang mga bituin.
Susuhayan ng mga kwento ng aking nanay ang pakikiulayaw ko sa komiks. Makakasalamuha ko ang Siete Infantes de Lara, ang Ibong Adarna, si Aladin, at iba’t iba pang karakter na sa kalauna’y wala nang ibang hatid sa akin kundi antok. Paulit-ulit na lamang kasi, wala nang bago. Kaya kahit nakakatakot at ipinagbabawal sa mga bata, babaling ako sa Gabi ng Lagim. Ipinagbabawal sa amin ang dulang ito sa radyo. Sa kapapakinig nito, oras na sumibsib ang araw, wala nang batang mauutusan sa bahay. Nakatalukbong na ng kumot ang lahat, nagkukunwaring tulog pero ang totoo’y nanginginig sa takot habang binubulaga ng kung ano-anong maligno sa saliw ng alulong ng aso.
Sa pagsasalitan ng alulong sa radyo na asong-aso ang dating at ng boses na nagpapakilala ng dula, magsasalimbayan na ang kung ano-anong pangitain sa aking imahinasyon. Muli, mararanasan ko ang kapangyarihan ng salita.
a
Hanggang dumating ang isang pangyayaring magpapakilala sa akin ng ibang mukha ng panitikan, ng tula.
Nasa ikapat na baitang ako sa elementarya nang gawing higanteng dam ang Pantabangan noong 1974. Ekta-ektaryang matatabang lupang sakahin ang nilamon ng tubig sa ngalan ng kaunlaran. Libu-libong punong mangga, santol, bayabas at iba pang puno at pananim ang sinalanta kapalit ng pailaw sa mga madidilim na sulok at patubig sa mga tuyot na bukirin ng Luzon.
Nalugmok ang Pantabangan sa mas higit na paghihikahos, pagkakawatak-watak, pagkakaniya-kaniya. Samantala’y walang patlang ang masaganang suplay ng kuryente sa mga base ng Kano sa Subic at sa Clark at ang daloy ng patubig para sa proyektong Green Revolution ni Imelda Marcos. Habang ang mga magbubukid ng Pantabangan ay nakikipagpatintero sa lupang lunukin-iluwa ng tubig-dam. Pag tag-ulan at nakasara ang dam, pinagtityagaan nilang pikuhin at tamnan ng gulay at palay ang gilid ng bundok, pag tag-araw at maliit ang tubig, muli nilang bubungkalin ang mga banlik na iniwanan ng tubig-dam para taniman ng sibuyas. Habang napapanghal sila sa paghihihintay sa mga pangakong kumumbinsi sa kanila para iwanan at ipaubaya sa tubig ang kanilang sakahin.
Hagupit itong hangga ngayo’y nakalatay sa aking gunita. Sa pagpapalubog ng Pantabangan, nilunod din ang kamusmusan ng aking henerasyon. Nawala ang mga bukid, parang, burol, at ilog na pandayan ng aming mga puso at tuhod. Parang garapong nabasag ang aming komunidad. Sa nilipatan naming bundok, nagkahiwa-hiwalay ang dating magkakapit-bahay. May kalaro akong nalipat sa lugar na dalawang kilometro ng liku-liko at umahon-lumusong na kalye ang distansya sa aming bahay.
Tataglayin ko ang gunita ng karanasang ito hangga ngayon. Sugat itong magsisilbing balon ng aking pagtula. Sa katunayan, sinalok ko mula rito ang bulto ng mga tula sa tesis na ito. Mga tulang karamiha’y puno ng pait at poot. Halimbawa sa tulang “pantabangan dam”, inilalarawan ko ang kabaliktaran ng kaunlarang ikinakabit ng gobyerno sa dam:
isang dambuhalang dahumpalay,
lumilingkis sa burol, bukid at gubat
na kumalong sa ating mga pangarap
at saranggolang gusgusi’t sugatan.
Mauulinig din ang ganitong pamamait sa mga sumusunod na saknong:
may ngiti sa labi ng matatanda, kumikinang ang pag-asa
sa kanilang mga sulyap. nakararahuyo ang tamis ng dila
at ang gintong gayong wala pa’y nakabubulag na ang kinang.
habang ang mga musmos ay inosenteng nakatunganga
nakatunghay nang walang muwang sa pagkalunod ng mga pinitak.
nakatunghay nang walang muwang
sa pagkagunaw ng kanilang mga halakhak.
(mula sa “sulyap sa bayang nilamon ng alon”)
Parunggit ko ito sa matatanda at lider ng aming bayan hindi nakapaglagos ang paningin sa kinang ng mga pangako ng gobyerno ni Marcos.
Ihinudyat ng panahong ito ng pambansang ligalig at kalituhan ang aking paglayo sa kinagisnan kong panitikan. Pinalinaw nito ang dating mga anag-ag lamang ng aking pambubuliglig. Habang naghaharap ito sa akin ng mga malalaking panandang pananong ay unti-unti rin nitong sinasagot ang mga huklubang bakit ng aking kamusmusan. Unti-unti kong mauunawaan ang puno’t dulo ng kahirapan.
a
Tamad na burgis na ayaw gumawa
Sa pawis ng iba’y nagpapasasa
Pinapalamon ng manggagawa
Hindi marunong mgangahiya
(mula sa isang awiting aktibista)
Pagkatapos na pagkatapos ng huling linya ng siniping awitin ay ubod-lakas kaming sisigaw ng “WALANGHIYA!”. Halos kasabay ng sigaw na ito, huhubarin at iwawagayway namin ang aming mga kamiseta sa saliw ng susunod na linyang “Banderang pula iwagayway/ Ang anakpawis ay mabuhay.”
Sa simula, parang kantang-kanto (gaya ng: arya kikintod/ arya kikintod/ naubos ang tamod) na itinuturo ng mga bastos na tambay ang dating sa akin ng nasabing kanta. Pero abot-langit ang hatid na sayang dulot nito sa akin hindi dahil naiintindihan ko ang ibig nitong sabihin kundi dahil, una, ang dinig ko sa salitang “tamad na burgis” ay “tumataburgis”, salitang Pantabangan na ang ibig sabihi’y tumatae. Ikalawa, kapag sumisigaw ako ng “walanghiya” ay parang sinisigawan ko na rin ang mga sundalo at iba pang matatanda na walang ginawa kundi mag-utos at manakot at magbawal.
Sa kalaunan, magiging bahagi ito at ang iba pang kantang aktibista ng mga kantang pambata na ipinambubulabog namin sa mga kuliglig tuwing gabing minumulagatan ng buwan ang aming mga kalye. Inilalangkap namin ito sa mga kantang “London brids is poling dawn”, “Bubuka ang bulaklak, sasara ang bulaklak”, at “May bagong silang, may bago ng buhay.”
Itong huli ay maghahatid sa amin ng kakaibang saya dahil makakarating din sa aming mga dila ang metamorposis nito:
May gagong silang
may gago ng buhay
gagong bansa, gagong galaw
Sa gagong lipunan
Mapapansing pinalitan ng “gago” ang salitang “bago” sa orihinal na kanta. Isa itong “panggagago” (o pagsasabi ng totoo) na kakapit sa aking isip nang mas matagal kaysa sa latay ng tsinelas sa aking hita sa mga pagkakataong di ako mapigil sa pagkanta nito sa kabila ng matalim na titig at sutsot ng aking lolo, isang magiting na opisyal ng bayan at tagasuporta ni Marcos.
Maraming araw at gabing binuliglig ng mga kantang ito ang aking musmos na kamalayan. Ano ang ibig sabihin ng burgis? Bakit gagong lipunan? At marami pang mga tanong na para sa mga nakatatanda sa aking paligid noon ay isang kakulitan kundi man kabusungan o pagsalaula sa isang sagradong bagay.
Tinuruan ako ng mga kantang ito na maging “matigas ang ulo.” Masunurin akong bata, tumutupad nang walang reklamo sa mga utos at atas sa eskuwelahan at sa bahay. Simula ang kantang ito ng aking pagsuway sa kinamulatang pagsunod sa matatanda. Unti-unti rin nitong pinalis ang pagkamahiyaing kakambal ng kahirapan, hiyang kakabit ng sulsihang damit, gusgusing laruan, butas na tsinelas.
Hindi ko alam noon kung anong gayuma mayroon ang mga awiting aktibista na humahalina sa aking kantahin ang mga ito nang paulit-ulit. Ginagawa ko ito sa kabila nang mga latay na iniiwan nito sa aking hita at puwet mula sa matatandang kaytatapang mamalo pero urong naman ang bayag sa harap ng mga tagapagtanggol ng “burgis” at “gagong lipunan.”
Pinalaya ng mga kantang ito ang aking kakimian. Nag-umpisa sa pagtatanong tungkol sa mga salitang hindi ko naiintindihan, nahalina na rin akong magbasa ng mga polyetos na bumabatikos sa pamamahala ni Marcos. Bukod sa paglawak ng aking bokabularyo, unti-unti akong nakahanap ng mga paliwanag tungkol sa kahirapan ng aming buhay. Natuto na akong kuwestyunin ang mga kalagayan at bagay na dati’y basta ko na lamang tinatanggap. Lakas ito na namugad sa aking dibdib.
a
Mapagtatahi-tahi ko ang mga pangyayari sa aking paligid at tatambad sa akin ang iba’t ibang mukha ng pagkaligaw: mga mamamayan ng Pantabangan na pagkatapos ng may kung ilang taong paglulunoy sa mga rasyong pagkain mula sa World Food Program at iba pang ahensiya ng gobyerno ay kung saan-saang lupalop ngayon nagtutungo upang mabuhay; isang gobyernong sa halip na kalingain ay inihahandog para sa dayuhan ang sariling mamamayan; isang bansang napaniwala sa kabulaanang ang pagsasakripisyo ng isang maliit na bayan, ang bayang Pantabangan, ay magsusulong ng pag-unlad sa buong bansa.
Isang kanta na pinamagatang “Bayang Pantabangan” ang unang nagpalirip sa akin ng pagkaligaw ng Pantabangan. Nilikha ito sa pagitan ng 1972 at 1974, panahong paroo’t parito na sa Pantabangan ang mga surbeyor at mga inhenyero; panahong nilalagare na ang mga puno, kinukutkot na ang mga ilog, ginigiba na ang mga bahay; panahon ng aming exodus tungo sa kalbaryo; panahong bawal ang lahat maging ang aking walang kawawaang pagkanta ng tumataburgis.
Hindi ko pa natutunton kung sino ang lumikha ng “Bayang Pantabangan”, pero gusto kong magpugay sa taginting ng kanyang tinig sa panahong ang itinatakdang kaasalan ay pananahimik. Narito ang bahagi ng awit:
Bayang Pantabangan, bayang kulang-palad
Hindi maglalaon at gagawing dagat
Ang lalong kawawa at kahabag-habag
Kaming mamamaya’y saan ililipat.
Bayang Pantabangan, kahit na maliit
Dito ay malaya at kami’y tahimik
Aning ko nang pait, aning ko nang sakit
Dulot ng gobyerno sa ami’y pasakit.
Ang kahalintulad ay ulilang lubos
Walang ama’t inang sa ami’y kumupkop
Ito’y simula na ng aming pagsabog
Sa aming pag-alis kanya-kanyang suot.
Bayang Pantabangan kahit na kawawa
Ay lalo rin naman ang taga-ibaba
Pag dam ay sumabog at ito ay nasira
Daming mamamatay matanda at bata.
Ito’y simula na ng aming pagsabog/ Sa aming pag-alis, kanya-kanyang suot. Nagdilang anghel ang lumikha ng awit; ang bayang dati’y binibigkis ng uhay ng palay ngayo’y winawatak ng kahirapan – kung saan-saang lupalop sumusuot upang mabuhay. Pagsabog, kanya-kanyang suot – pagkaligaw. Munting pagkaligaw na iniluwal ng isang higanteng pagkaligaw ng pambansang gobyerno: ang paninikluhod sa dayuhan. Dulot ng gobyerno sa ami’y pasakit.
Madaling paghilumin ang sugat ng pagsasakripisyo kung para ito sa ikagagaling ng mas malaking sugat ng mas maraming mamamayan at kung sinsero ang humihingi nito. Ngunit kabalintunaan ang nangyari sa Pantabangan. May dita ang mga bulaklak ng pangakong ipinalamuti sa aming pagsasakripisyo. Makinis na makinis na ang plano ng konstraksyon ng dam at ipinagbubunyi na ang tagumpay nito ay wala pa sa hinagap ng gobyerno ang kapakanan ng mamamayang Pantabangan. Tiwangwang pa ang mga pabahay ng gobyerno nang ilikas ang Pantabangan noong 1974. Itinambak ang mamamayan sa mga banghaws1 na yari sa sawali, kogon at bikat na parang papel lamang na nilamukos ng bagyong Kading noong 1977.
Maging ang mga paaralan ay hindi pa tapos. Matagal ding pinagtiisan ng mga estudyante ang kubakob na may sahig na graba at dingding na sawali.
Totoong naglunoy sa biyaya ang mga taga Pantabangan noong mga unang taon ng kanilang pamumuhay sa bagong bayan. Tumatanggap ang bawat pamilya ng regular na rasyon ng bigas, mantika, pinulbos na itlog, at kung anu-ano pang imported na pagkain. Hindi rin kung iilang pagsasanay-pangkabuhayan gaya ng paghahayupan, paggawa ng furnitures, at knitting ang ginawa sa Pantabangan.
Ngunit panandalian ang tulong ng mga ito. Isa rin itong pagkaligaw mula sa pag-asa sa sarili tungo sa pagiging palaasa. Isa itong imposisyon mula sa experto tungo sa mangmang.
Nang maubos ang nabanggit na mga rasyon, may ilang panahon ding nawindang ang Pantabangan. At dahil ayaw magutom, may ilang manggagawa sa plantasyong pinangangasiwaan ng Bureau of Forest Management (BFD) ang naging arsonista. Sinusunog nila ang itinatanim nilang kahoy sa pangambang kapag lumaki ang mga ito ay mawawalan sila ng trabaho. Hindi nga lumaki ang mga kahoy at nanatiling tiwangwang ang mga plantasyon. Pero nawala rin ang kanilang trabaho. Natapos ang proyekto pagkaraang gumastos ng kung ilang bilyong piso ang gobyerno.
Lumilikha ng patubig at kuryente ang Pantabangan dam ngunit may kung ilang taong kung saan-saang bundok at gubat nagusuot ang mga taga Pantabangan upang maghanap ng tubig na maiinom, maipanlalaba, maipanliligo, at maipanluluto. Pasulpot-sulpot ang kuryente. May mga umagang pusikit sa lasok ng ilaw na de-tuwad (kadalasang gawa sa bote ng lapad na nilagyan ng gaas at mitsang basahan) ang ilong ng taumbayan habang ang isang turbino ng dam ay walang humpay sa pag-ikot upang magsuplay ng kuryente sa Subic Air Base.
Sinasakal ako ng mga gunitang ito.
Gaano ba kasakit mawalay sa bukid na iyong buhay, sa bukid na pinagkakautangan mo ng buhay?
Isang musikero at gurong taga-Pantabangan, si yumaong Godofredo Uera, ang nag-iwan ng isang romantikong awiting naglalarawan sa lumang Pantabangan. Nakasaad dito ang mga dahilan kung bakit masakit mawalay sa bayang iyon. 1953, wala pa ako sa talbos ng kamote, noong likhain ang awit.
O Pantabangan
Sa dibdib ng bundok may isang bayan
Bayang sagana sa kalikasan
Sa kaniyang gubat at kaparangan
Ang simoy ng hangin ay laging dalisay
Iyan ang bayan ko, bayang minamahal
Bayang dakila, O Pantabangan.
Ang mga tanawing handog na kalikasan
Ay walang katulad sa sandaigdigan
Liku-likong ilog, tubig na malinaw
Bukiring malawak, pag-asa ng buhay
Iyan ang bayan ko, O Pantabangan
Pinagsasadya ng mga dayuhan
Bayang pangarap, O Pantabangan.
Ipinatern ang tono kanta sa “Sta. Lucia”, isang awiting-bayan sa Italya. Inilalarawan nito ang kapanatagan, ang kagandahan ng buhay, ang tila paraisong kalagayan ng lumang Pantabangan.– mga karanasang hindi estranghero sa mga taga-Pantabangan. Maaaring sabihing nakalutang sa alapaap ang kanta pagkat ni hindi mababanaagan dito ang lupit ng nupnop, el tor, ang malalamig na kalan at humpak na mga palabigasan. Gayunman, malinaw ang mensahe nitong walang sugat na likha ng gutom ang hindi kayang paghilumin ng bukid, bundok, ilog – ng mayamang kalikasan ng Pantabangan.
Nakatuon sa kasaganaan ng lumang Pantabangan, hindi tuwirang nakapagpa-alab ng damdaming makabayan ang awit. Gayunman sinuhayan nito ang “Bayang Pantabangan”, ang naunang kanta, sa pagpapahayag ng kolektibong pagpapahalaga ng mga mamamayan ng Pantabangan sa kanilang bayang tinubuan at paghihinayang sa pagkawala nito.
Nakakabit sa dalawang kanta ang pait na dulot ng Pantabangan dam, isang proyektong simbolo ng kolektibong karanasan ng pagkaligaw ng Pantabangan.
Nakaangkla sa karanasang ito ang pag-inog ng aking pagtula at pakikisangkot sa pagbabagong panlipunan. Sa aking mga tula, ang Pantabangan dam ay magiging metapora ng pagsasamantala at pagpapasasa ng mga mayroon at ng paghihikahos at paghulagpos ng mga pinagkakaitan.
Samantala, gigitaw sa aking panulaan ang mga talinghagang sinuso ko sa dalawang kantang binanggit. Tataglayin ng marami sa aking tula ang samyo ng saganang bukid at ang sikdo ng pagkawala nito. Muli’t muling babangon sa aking dibdib ang gunita ng naglahong bukid:
ginalugad ko ang mga pilapil
ng pakikipaghabulan
sa mga tutubi at tipaklong;
ang mga pinitak ng pagtugaygay
sa bakas ng hito at dalag;
ang mga mandala ng paslit na hagikhikan;
ang mga tumana ng pang-uumit
at mga dalisdis ng pagsusundalu-sundaluhan;
ang mga bakuran ng pagbabahay-bahayan;
ang mga burol ng pakikipag-agawan
ng duhat at ayusep;
ang mga punso at kakawayanang tahanan
ng mga kapre, tiyanak, tikbalang.
(mula sa “sitio abuyo: sa talong alon ng paglalakbay)
a
Sa paglipas ng panahon, magiging ritwal na mataman kong isasaloob ang pagbabasa. Manggigitata na sa pawis at libag ng mga daliri ko ang librong Panitikan ng aking kuya’t ate bago pa man ito napasaakin noong ako naman ang maghayskul. Hindi iilang tula ang aking mami-memorya. May isang tula nga sa librong iyon ang hangga ngayo’y hindi ko pinagsasawaang bigkasin. Narito ang unang saknong:
Mga yabag sa malayong nagbabangon sa landasin
Alaala’y dumadalaw sa kahapong nakalibing
Sa sariwang mga puntod binabakas ang panimdim
Ng maraming pagmamahal na kay-agang nangungulimlim.
Nakalimutan ko na kung ano ang pamagat at sino ang sumulat ng nasabing tula, paumanhin. Isa ang tulang ito sa magiging guro sa tugma at sukat.
Paglulupiin ko rin sa sarisaring bersyon ang naroong mga kwento habang pinapatulog o nililibang ko ang mga nakababata kong kapatid. Uulit-ulitin ko ring basahin ang mga polyetos na bumabatikos sa “gagong lipunan” ni Marcos.
May isang sulok sa silong ng aming bahay noon ang ginawa kong altar ng pakikipagniig sa panitikan. Sa araw, kapirasong sinag na naglalagos sa dingding ang aking liwanag; sa gabi malikot na dila ng ilawang de-tuwad ang aking tanglaw. Isang pagsuway ang ginagawa kong ito. Sa bahay ng aking lola ang mga gawaing may kinalaman sa eskuwelahan ay dapat gawin sa eskuwelahan. Kapag nasa bahay, kailangang asikasuhin ang mga gawing may kinalaman sa bahay.
Pagtulong sa mga gawain sa bahay at sa bukid ang sukatan ng pagiging mabuting bata. Kaya kahit homework sa klasrum ko ginagawa.
Sa pagitan ng pagbabasa at pagmumuni ay nasumpungan ko na lamang isang araw na may kung anong lakas ang namuo at gustong humulagpos sa aking dibdib. Iniluwal ng lakas na ito ang tulang tungkol sa Pasko na binanggit ko sa itaas. Sampung taon ako noon, walang muwang sa pasikot-sikot ng pagtula. Ang tanging guro ay ang balagtasan sa radyo at ang mga tula nina Amado Hernandez, Lope K. Santos, Cirio H. Panganiban, Jose Rizal, Balagtas at iba pang makata sa librong Panitikan.
a
Binhi sa guho ang tula sa eskuwelahang pinasukan ko noong hayskul at maging sa makipot na sentro ng Pantabangan na kinalakhan ko. Kung tumubo man, wala ring katiyakang yumabong. Walang magdidilig o magpapaaraw o maglilipat sa paso. Kung sakali mang makatikim ng tubig o makaaninag ng liwanag, ito’y sa pinaka-nakakaaba pang paraan. Parang taong naglabas ng dila sa kapanabikang malasap ang ulang Mayo pero ang masasahod ay ihi ng lasing. O kaya nama’y taong umasam na makita ang mukha sa salamin pero ang tanging tanglaw ay ningas ng posporo sa gabing mas maitim pa sa uling.
Kadalasang nagkakapuwang lamang ang tula sa sabjek na Pilipino o sa mga programang pang–eskuwelahan o pambaranggay. Sa naturang programa, ang tula ay nagsisilbing paningit o panakip-butas, nakatayming ang pagbigkas sa panahon ng pananghalian o isnaks o kapag alis-is na sa pag-uwi ang mga tao.
Bukod sa hingian ng mabubulaklak na salita para sa nililigawan wala nang gamit ang makata kundi gawing katatawanan. Patutulain ka sa programa at pagkatapos ay pauulanan ng katakot-takot na panunuya tuwing makikita, masasalubong, nakakaumpukan. Eksaheradong gagayahain ang pagkakabigkas mo ng tula. Halos mapatid ang mga ugat sa leeg at mapagot ang hugpungan ng kilikili sa pagpalakat at pagkumpas ng kamay ng gumagaya bilang pagsasadula ng sining na mahusay at seryoso mong ginawa.
Mayroon nga akong kaklase sa hayskul na binansagang “kaputol na bakal” dahil sa tuwing programa sa aming klase o sa aming paaralan ay pinabibigkas siya ng tula. Paborito niya ang “Ang Panday” ni Amado V. Hernandez. Pag binitiwan na niya ang linyang “Kaputol na bakal na galing sa bundok”, uugong na ang odyens. Halos magiba ang bubong ng klasrum sa sigawan, hindi ng paghanga kundi ng pang-uuto. Ang kasukdulan nito ay uunahan na ng odyens ang kaklase ko sa pagbigkas. Namemorya na nila ang tula dahil iyon lamang naman ang lagi’t lagi niyang tinutula. Hanggang lunurin na lamang ng bungisngisan ang madamdaming tremolo ng kanyang tinig.
Isang matandang makata sa aming bayan ang kasama ng tulang inihulog ng mga “modernong” taga-Pantabangan sa guho ang aking makaka-engkuwentro at lihim na titingalain. Lihim dahil natakot akong maanggihan ng tinatamo niyang pangungutya.
Nakilala ko siya sa tawag na Tang Ambo, isang matandang itinuturing na makata, nang may panunuya. Sa tuwing siya’y daraan, kikibot na parang hinihipang puwet ng manok ang mga bibig ng mga walang magawa at uugong ang “ayan na si Ambong Dambana.” Susundan ito ng patagong ngisngisan.
Hindi ko alam ang puno’t dulo ng paglalakad ng matanda, ng kanyang araw-araw na pagparoo’t parito at kung bakit siya binansagang Dambana.
Una ko siyang naka-engkuwentro nang lapitan niya ako pagkatapos kong tumula sa isang programang pampaaralan. “Kulang sa tremolo ang iyong pagbigkas”, sabi niya. “Kulang sa alon.” At idinuyan niya ako sa indayog ng tulang siguro’y nagpatibok ng maraming puso at naghatid sa kanya ng paghanga’t pagbubunyi sa di mabilang na putungan na kanyang pinagningning,
O mutyang paraluman
Tala ka ng silangan
Ngiti mong kayamanan
Sa aki’y idampulay...
Engkuwentro iyon na magbibigay init sa binhi ng aking pagtula at papawi sa aking pag-aalinlangan. Sabi ko noon, “e ano kung bansagang Dambana Jr.?” At babaunin ko hanggang sa pagtulog ang timyas at taginting ng kanyang mga tula at pagtula.
Mula noon tuwing magkakasalubong kami (na sinasadya kong mangyari, kaya iyon ay dalawang beses araw-araw) ay nagkakaroon kami ng “worksyap’ sa pagbigkas, sa pag-aaral ng tremolo. Hindi ko alam kung ang mga binibigkas naming tula ay sarili niyang likha, pero hindi na iyon ang mahalaga. Ang alam ko’y nilukuban na ako ng espiritu ni Ambong Dambana.
Madalas kong maitanong sa sarili ko noon: “ano kaya ang nasa gulung-gulungan ng matandang ito?” Naririnig ko sa kanyang tinig ang banayad na pagdantay ng alon sa pampang, ang paglayo at ang muling pagdantay at muling paglayo nito. Para kaming nakaupo sa gilid ng Pantabangan dam gayong halos singlaki lamang ito ng banig mula sa burol na aming kinatatayuan.
Kung paanong pinamangha ako ng kaniyang gulung-gulungan, pinamangha din ako ng kanyang mga daliri. Ipinakita niya sa akin ang indayog ng kanyang lapis na parang may sariling isip, tiyak ang mga guhit at diin. Mga bulaklak, mga kabayong nanginginain ng damo, dumadamba, nakahiga, humahalinghing. Halos mahaplos ko ang mga pisig at balahibo ng mga kabayong idinodrowing niya. (Matututo rin akong magdrowing at makakatulong ito sa aking pagtula. Minsan, idinodrowing ko muna ang aking mga ideya bago ko ito maitula).
Ambong Dambana. Idinambana rin siguro ng kanyang panahon noong pinagniningning niya ang bawat tanghalan, mga tanghalang guho na lamang ang nalabi sa aking panahon. Oo, mga tanghalang pinaguho ng pagragasa ng mga kanluraning palabas at awitin. Natatandaan ko pa kung paano kami nahumaling sa “Grease is the world” ni John Travolta, sa mga kanta ng Menudo at iba pa.
Pero kahit ganon, sa guhong iyon ko unang naka-engkwentro ang makata sa aking sarili bagamat ang imahen kong nakaharap ay singlabo lamang ng repleksyon ng tagusang salamin. Isa lamang ang tula sa mga naghambalang na larawan ng mga bagay na naglalagos sa aking imahen sa salamin.
Pero isa ang kaya kong tiyakin ngayon: ang pagtula ko’y binhing umitop ng sustansiya sa bulaklak na natagpuan ko sa guho – kay Tang Ambong Dambana.
Hanggang sa dumating ang araw na tuluyan ko nang naiwaglit ang pangambang baka mabansagan akong Dambana Jr. o isang makata. Wala akong pakialam sabi ko sa aking sarili. Pero hindi na nangyari ang pangambang iyon. Umalis ako sa Pantabangan sa kauna-unahang pagkakataon.
a
Sa seminaryo lubusang mamumukadkad ang binhi ng aking pagtula at ng aktibismong inihasik ng Pantabangan Dam at Batas Militar sa aking dibdib.
Bago ako pumasok sa seminaryo noong 1980, p aglahok sa mga gawain ng simbahan ang pinakaunang kongkretong pagsasabuhay ng paglilingkod na nakilala at niyakap ko. Laganap na noon sa Pantabangan ang mga programang Kristyanong Kapit-bahayan (KRISKA). Tugon ng simbahang Katoliko sa mga hamon ng panahon, ang KRISKA ay paglalapat ng ebanghelyo sa araw-araw na buhay ng mga mananampalataya. Pagtitipon ito ng mga magkakapit-bahay upang pagnilayan ang Salita ng Diyos sa kontexto ng kasalukuyang kalagayan ng komunidad at ng bansa sa kabuuan.
Naging masugid akong tagapag-organisa ng KRISKA. Dahil sa exposyur ko sa panitikan at pagninilay sa buhay sa pamamagitan ng pagtula, parang napakadali para sa akin ang humabi ng interpretasyon ng mga talata ng Bibliyang tinatalakay namin. Mula sa gabi-gabing bahaginan, mamumunga ang KRISKA ng teatro ng mga kabataan, mga seminar, peryodikit na naglalaman ng mga balitang Pantabangan, repleksiyon sa Bibliya, mga tula. Inspirado ng tawag ng paglilingkod, buong sigasig akong magbubuhos ng sarili sa proyektong ito ng simbahan. Hindi ito makakalampas sa atensiyon ni Fr. Joey Mission, isang paring Ilongo na nakaasayn noon sa Pantabangan bilang kura paroko.
Sa pamamagitan ng kaniyang gabay, humugis sa akin ang isang dakilang pangarap – pagpapari. Para sa akin noon ay iyon na ang lahat-lahat. Wala na akong hahanapin pa.
Pumasok ako sa seminaryo nang wala ni anuman maliban sa dalisay na kagustuhang paglingkuran ang tao sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon.
Sa unang taon ko sa loob, nilukuban ng espiritu santo ang aking buhay at pagtula. Wala na akong bukambibig sa aking mga tula kundi pag-aalay ng buhay kay Kristo, pagsunod kay Kristo. Naroon pa rin ang pambubuliglig sa kahirapan ng tao pero ang lahat ng iyon ay pawang mga pagsubok lamang, mga kinakailangang hakbang tungo sa pagpapatibay ng pananalig, tungo sa buhay na walang hanggan. Halimbawa,
Matinik ang alambre ng pagkamulat
Panginoon salamat
Dahil dito’y may lakas ako sa pagpiglas.
(mula sa “salamat panginoon”)
Sa “tatagan ang kalooban”, matingkad ang tibay ng loob ng persona sa kabila ng mga pagsubok na dala ng tag-ulan, wala siyang dapat ikatakot dahil
gagabayan tayo ng Panginoon
sa landas na ating tatahakin.
Sa susunod na mga saknong tampok naman ang paniniwalang ang lahat ng kahirapang nararanasan ng persona ay mga pagsubok na kakambal ng pagtatalaga ng buhay sa Diyos, ng kaligtasan. Ang pait ng buhay ay bahagi ng Kanyang pagmamahal:
masakit kang magmahal
ngunit walang ibang daan
tungo sa kaligtasan
kundi ang pagsunod sa ‘yong kalooban.
kristo ang patak ng dugo sa ‘yong mga bakas
ay pamamalagiin kong sariwa
masakit ang sugat na dulot mo
ngunit sadyang ganyan ka magmahal.
(mula sa “patak ng dugo sa iyong mga bakas”)
Sa panahong ito, nangamoy insenso at natigmak sa agua bendita ang aking pagtula. Unti-unting nawala ang pambubuliglig nito hanggang maging kampante at mahirati sa maligamgam at malambot na kandungan ng Diyos.
Dumating ang panahon na napakadali kong magsalita tungkol sa paglilingkod pero napakahirap na para sa akin ang makipamuhay sa mga taong dapat kong paglingkuran. Dumating ang panahong parang estranghero na ako sa pinanggalingan kong buhay. Para akong sutana na ayaw na ayaw kong mabahiran ng kahit ga-buhok na dumi.
a
Bago tuluyang pamanhirin ng ginhawa’t luho ng buhay-seminaryo ang aking pagtula, nasumpungan ko ang Teolohiya ng Paglaya. Isasayad nito sa lupa ang kaputian ng aking sutana. Ipapakilala nito sa akin ang kristong rebolusyonaryo. Sisilihan ang tumbong ko ng mga aklat at artikulo ng mga paring sina Edicio dela Torre, Conrado Balweg, at Pedro Salgado. Parang Bibliya kong bibitbitin sa mga eskwelahan at komunidad na tinutulungang organisahin ng aming seminaryo ang librong Si Kristo ay Rebolusyonaryo ni Fr. Salgado.
Babaha sa aming seminaryo, mula sa kung saan-saang panig ng mundo, ang iba’t ibang pelikula, magasin, libro at kung ano-ano pang mga babasahin tungkol sa pakikibaka ng simbahan para sa kalayaan ng sambayanan. Di iilang seminarista na dating walang pakialam ang liligaligin ng mga ito. Walang katapusang talakayan sa loob at labas ng simbahan ang ibubunga ng “Romero”, pelikulang nagpapakita ng paninimbang ng simbahan sa usapin ng armado at mapayapang pakikibaka sa kontexto ng Latin Amerika, partikular sa Nicaragua.
Magiging bukambibig namin ang “simbahan ng mahihirap”, simbahang nakikipamuhay at nakikiisa sa paghihirap at pakikibaka ng sambayanan. Oneness with the poor ang motto na nakakuwintas sa amin noon. Ibabangga namin ito sa “simbahan para sa mahihirap” na nangangahulugan ng pananaka-nakang pagdalaw sa mahihirap bilang pagsuhay sa tradisyunal na gawain nitong KBL – kasal, binyag, libing. Tatanyag ang pangalan nina Bishop Antonio Fortich† ng Bacolod at Bishop Julio Labayen ng Aurora bilang tagapamandila ng “simbahan ng mahihirap”. Bukod sa kanila, iidolohin ng mga aktibistang taong-simbahan sina Fr. Ed dela Torre at Fr. Conrado Balweg bilang buhay na halimbawa ng pagtalima sa misyon ng simbahan:
Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, sapagkat hinirang Niya ako upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga dukha; sinugo Niya ako upang pagalingin ang mga maysakit, ipahayag ang kalayaan ng mga bilanggo, ang pananauli ng paningin ng mga bulag, upang iligtas ang mga inaapi, at ipahayag ang kalugod-lugod na taon ng Panginoon.
(Lucas 4: 18-19)
Dahil sa ganitong development sa simbahan, muling dadaluyan ng dugo ang bisig ng aking pagtula na unti-unti nang pinapaputla ng santo rosaryo at kabanal-banalang siesta.
Hayahay ang buhay sa seminaryo – may labandera, kusinera, hatid-sundo ng service, may pang-beer, sigarilyo. May sariling kama, kabinet, study table . . . hayahay talaga. Nalilito na nga ako noon kung anong klaseng pagsasanay ang pinasukan ko: paglilingkod o pagpapakaburgis? Muntik ko na tuloy makalimutan noon ang amoy ng bagong bungkal na pinitak at ng kalalabas na tae ng kalabaw. Unti-unti naramdaman ko ang kahungkagan ng buhay-seminaryo.
Kipkip ang bagong inspirasyon mula sa Teolohiya ng Paglaya, na maglulupi bilang Teolohiya ng Pakikibaka sa kamay ng mga pari at madreng nakikisangkot sa pagpapalaya ng sambayanan, isinubsob ko ang aking sarili sa “pakikipamuhay” sa komunidad. Muling sumigla ang pakikisangkot ko sa mga isyung pangsimbahan. Pumaloob sa mga organisasyon ng mga taong-simbahan; sumama sa mga piket ng mag-aaral at manggagawa; nakipagkaipit-bisig sa maralitang taga-lungsod; nagsagawa ng operasyon-pinta at operasyon-dikit; sumali sa teatro.
Magkakaroon ng impluwensiya sa aking pagtula ang pagsali ko sa teatro. May mga tula akong isinulat para bigkasin sa entablado bilang bahagi ng isang dula o para sabayan ng kilos. Halimbawa nito ang “kaylan tayo babalik(was)?”, isang tula tungkol sa kalikasan na ang himig at ritmo ay nagmumula alitirasyon at pag-uulit ng mga salita at linya.
Sa proseso ng pagbabad ko sa mga nabanggit na gawain ay nanariwa ang pambubuliglig ng aking pagtula. Dinalirot nito ang kahungkagan ng pananampalatayang hindi nakaugat sa buhay ng masa, ang mapagkunwaring buhay-paglilingkod ng mga pari at madreng walang ginawa kundi magdasal sa gitna ng pagyurak sa karapatan ng mga taong sinumpaan nilang paglingkuran. Binuliglig ako ng tulang “A Priest According to the Order of Melchizedek”, ni yumaong si Fr. Jerry Aquino:
why is it that the church you called into being
in this word has become a hard rock of an institution?
it thrives on dull celebrations
filthy relations
and business-like operations
why is it full of forms
but devoid of content?
Umalingawngaw ang diwa nito sa tulang “Padre Damaso” na isinulat ko bago ako lumabas sa seminaryo noong 1983. Pambubuliglig ko ito sa aking sarili at sa mga kapwa ko seminarista, sa pananatili namin sa seminaryo samantalang ang tunay na paglilingkod ay nasa puso ng sambayanan — sa kanayunan, sa mga pabrika, sa mga relocation site. Sabi ng tula:
gusto mo’y laging ikaw ang nasusunod
isa kang alipin pero dinidiyos
pinili mo ang buhay-paglilingkod
ngunit mga tao ang sa ‘yo’y lumuluhod.
Wala sinasanto noon ang militar at ang mga galamay nitong grupong vigilante. Hinahalughog maging simbahan, seminaryo’t kombento. Dinukot si Fr. Rudy Romano, hangga ngayo’y di pa nakikita ang kanyang mga labi o nalalaman kung siya nga’y patay na. Isinalbeyds si Fr. Tulio Favali. Isang paring dayuhan na nakaasayn sa Mindanao ang binaril sa noo habang nagtataas ng kalis. Naaalala ko pa hangga ngayon ang litrato ng grupong Tadtad na buong pagmamalaking ipinapakita ang pugot na ulo ng pinaghihinalaan nilang komunista.
Sa panahong ito, maisasatula ko ang papel ng tula sa pagsisiwalat ng realidad. Hitik man sa abstraksyon at salat sa sining, ang tulang ito ay magsisilbing inspirasyon ng mabubuo kong pananaw sa pagtula.
Bawat totoong kanyang maisiwalat
Liliglig sa bawat pusong umaandap
Tinta niyang buhay ay dugong ititigis
Sa tigang na lupa’y didilig, didilig
Ang tikas at talas ng aking panitik
Ay tatahi sa kasaysayang gulanit
Dugong aagos mula sa ‘king panulat
Huhugas sa bayang sa burak ay sadlak.
(mula sa “sigaw at diwa ng aking panitik”)
Kipkip sa dibdib ang ganitong paniniwala sa pagtula, mararamdaman kong kapos na ang inspirasyong nakukuha ko sa mga progresibong babasahing pangsimbahan para manatili pa ako sa seminaryo. Lutang ang mga Papal Encyclicals, hungkag ang Laborem Exercens, Populorum Progressio, at iba pang mga dokumento ng simbahan. Nananatiling opsiyon, sa halip na maging kaganapan, ng simbahang Katoliko ang pagsasabuhay ng “simbahan ng mahihirap”. Unti-unti, nakita kong wala nang kabuluhan ang seminaryo kundi isang “ligtas” na uwian pagkagaling sa rali o mga lihim na pag-aaral.
a
Mula sa seminaryo, babalik ako sandali sa Pantabangan bago tuluyang magpultaym sa pag-oorganisa. Isasalbeyds si Ninoy at mararamdaman ang pamumuo ng daluyong na magpapabagsak kay Marcos. Sa panahong ito ganap kong maisasabuhay ang paglilingkod na walang ibang iniisip kundi ang kapakanan ng taumbayan, ang paglaya ng sambayanan. Magpapalipat-lipat ako sa iba’t ibang lugar at sektor. Matututuhan ko ang iba’t ibang gawain kaugnay ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng sambayanan. Matututuhan kong magpinta ng myural, gumawa ng istrimer at plakard, mag-mimeo ng polyetos nang mano-mano, magtatak ng damit, umarte sa entablado, magturo ng pasikot-sikot ng teatro, magsalita sa rali at sa mga pulong-bayan.
Matututo rin akong mananghalian ng kendi at usok; matulog nang nakasapatos basa man ito o tuyo; mabilis at walang gatol na magpalit ng pangalan at personalidad; bumasa ng iba’t ibang muwestra at signal patungkol man sa direksyon o panganib; at higit sa lahat, magpakumbaba. Sa piling ng masa napatunayan ko ang kahungkagan ng buhay na hindi ginugol sa paglilingkod sa sambayanan; ang kabaugan ng mga teoryang pinag-aralan ko sa seminaryo; ang kadakilaan ng anakpawis na siyang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan.
Dito unti-unting tumiim sa akin ang Marxismo-Leninismo at Kaisipang Mao Zedong o MLKMZ bilang tanglaw ng pag-unawa ko sa realidad ng sarili at ng mundo. Ito ang pinakamalakas na puwersang huhubog hindi lamang sa aking pagtula kundi sa buo kong pagkatao. Magsasalimbayan sa aking panulaan ang paglilingkod sa sambayanan, pagsusulong ng pakikibaka, paglaya mula sa imperyalismo, pagsasakripisyo, pagtitiwala sa masa.
Wala pa rin sa hinagap ko noon ang sining ng pagtula. Paglalabas ng niloloob ang pokus ng aking pagsusulat. Pero kahit ganito, magkakaroon ng karagdagang dimensiyon ang pambubuliglig ng aking tula. Huhugis sa akin ang realisasyong ang tula ay mabisa ring armas ng pagwasak at paglikha
Nahirati sa gawaing propaganda, matagal bago tumining sa akin ang masining na pagtula. Basta para sa akin noon, kailangang magtaas ng kamao, magwawagayway ng bandila, at magtiim ng bagang ang aking mga tula. Tingnan halimbawa ng sumusunod na saknong:
ang pananahimik ay ating wakasan
huwag manatili sa pagsasawalang-kibo
huwag tumigil sa paghakbang
makakamit natin ang mithiin
maaabot ang hangad na kalayaan.
(mula sa “makakamit ang mithing kaligtasan”)
Palagay ko noon, kapag nakapanawagan o mabanggit kaya ang tatlong ismo at makapag-agitate ay ayos na.
Mapipigil ba ang pakikibaka?
Halakhak nila ngayon
Bukas, atin ang tagumpay
Sa pag-angil ng rebolusyon
Simula ng kaganapan.
(mula sa “iba’t ibang mukha ng panahon”)
Sa panahong ito taglay pa rin ng mga tula ko ang katangiang mapagsermon na naging sakit nito noong nasa seminaryo ako. Kaya bukod sa nanggagalaiti, nag-uutos, nangangaral din ang aking mga tula.
ihanda ang tabak, hawiin ang damo
ang kislap ng talim ay tatanglaw sa kubong
pinagkakanlungan ng mga kasamang
ngayo’y sugatan ngunit hindi nanlulumo.
magkapit-bisig tayo mga kanayon
patatagin ang dibdib; sigwa’y umuugong
umiihip na ang hangin, huwag tayong sumilong
panakot lang ‘yan ng sakim na panahon.
(mula sa “may sigwa sa aking nayon”)
walang ibang makapagliligtas
sa sambayanang inaapi
tayong anakpawis ang bumabago
at nagpapatuloy ng takbo ng kasaysayan
sinong bathala ang ating hinihintay?
nasa atin lamang ang tunay na lakas
na magpapabagsak sa uring mapang-api
isulong ang matagalang digmaang bayan!
(“sinong bathala ang ating hinihintay?”)
May palagay rin ako noon na basta may tugma at “nakapagpapaalab” ng damdamin ay maayos na ang isang tula. Halimbawa:
maraming taon nang naghihirap
maraming taon nang baya’y binulag
ngunit ngayo’y unti-unting namumulat
gumigising, tumitindig, laya ang hangad!
walang punglong maaaring humadlang
sa lakas ng bayang sumusulong
walang pader na maaaring humarang
sa lakas ng bayang mistulang daluyong!
(mula sa “lakbayani”)
Sa kabuuan, makikita sa mga tulang sinipi ang sinasabi ni Virgilio Almario na mga tulang “namamakipak sa islogan” at lagi’t laging nagtataas ng kamao at nagwawagayway ng bandilang pula (279). (Lagi’t laging nagtataas ng krus at nagsasaboy ng agua bendita sa kaso ng mga tula kong nagmimisa).
a
1985. Iinit sa Nueva Ecija; timbugan dito, timbugan doon. Kasama ng isang aktibistang pangkultura, isa ako sa mga pinalad na nadampot at nakatikim ng konting “romansa-militar”. Konti lang dahil pinalaya agad kami. Wala mapiga sa amin ang mga imbestigador ng militar. Hindi dahil sa magaling kaming pumrente kundi dahil wala naman talaga kaming alam sa mga pinagtatatanong nila.
Pero ganito ang siste ng karanasang iyon. Lusot na sana kami, ibig sabihin, napangatuwiranan na namin kung bakit may dala kaming “Lipunan at Rebolusyong Pilipino” at mga pamplet na may litrato ni Mao Tse Tung. Ang kaso, nang patugtugin ng nag-imbestigador namin ang kantang “International” (na may 30 minutong ipinagdidiinan naming hindi namin alam), hindi nakatiis ang hinlalake sa paa ng kasama ko. Kumumpas, nakitipa. Ayun, nakatikim tuloy ng romansa.
Kuwela man ang karanasang ito, matagal din bago ako nakarekober. Kahit pagkatapos ng pagpapahinga ko, naroon pa rin ang galit at takot. Matagal din akong napraning. Ang tingin ko sa lahat ng malaki ang tiyan noon militar. Lahat ng mapapatapat sa aking kotse akala ko magbubukas ng pinto at may biglang hahablot sa akin. Hindi ko pa natutulaan ang karanasan kong ito. Aywan ko kung bakit.
Mula sa Nueva Ecija, lumipat ako sa Maynila. Mag-aaral, titigil, magtatrabaho sa mga NGO, titigil, mag-aaral ulit. Tuloy pa rin ang pag-oorganisa, pamumuno sa mga organisasyon, tuloy pa rin ang pagtula.
Matututuhan kong galugarin ang mga library sa UP, ang Goethe Institut, Thomas Jefferson. Saka ko pa lamang mababasa ang mga makatang uhugin pa ako’y nakadaupang palad na nina Rio Alma.
Aamot ako ng bango sa Les Fleur du Mal ni Charles Baudelaire. Didilaan ko ang mga butil ng hamog sa Leaves of Grass ni Walt Whitman. Ipaghehele ako ng Ciento Poemas ni Pablo Neruda at lihim kong itatangi sa aking dibdib ang “makata ng sambayanan” ng Latin America. Mamimitas ako sa The Talking Tree ni Artur Lundkvist ng mga karanasan, damdamin, at kaisipang taglay ng mga bagay na araw-araw kong nakakasalamuha pero hindi ko alam na naroroon o hindi ko binibigyang-pansin. Magdadangdang ako sa dapog ng sarkasmo ng daan-daang tula sa Bertolt Brecht Poems: 1913-1956.
Ririndihin ako ng tila-granadang mga simbolo at metapora sa mga tula ni Rio Alma sa Doktrinang Anakpawis at ni Lamberto Antonio sa Hagkis ng Talahib. Maraming gabing mumultuhin ako ng “Ang ginoo sa gitna ng pagkaagnas” ni Romulo Sandoval at ng “Mga Duguang Plakard” ni Rogelio Mangahas. Iduduyan ako ng dulas ng daloy ng imahe at tunog sa mga tula nina Fidel Rillo at Joey Baquiran. Bagong mundo naman ng pagtula ang tatambad sa akin pagkatapos akong dulingin ng mga tularo ni Vim Nadera. Yuyukod ako sa “Kung ang Tula ay Isa Lamang” ni Jess Santiago.2
Bubulagain ako ng katapatan sa sarili at katapangan ng mga manunulat sa librong “Ladlad”. Mamamangha at hahanga ako sa paghahantad ng sarili ng mga makatang sina Aida Santos, Lilia Quindoza, Ruth Elynia Mabanglo, Benilda Santos at Joy Barrios. Imumulat ako ng kanilang mga tula at tatanggapin kong hindi lamang “ako ang tula ng daigdig at ang daigdig ng tula”.
Magsasalimbayan sa aking panulaan ang lahat ng ito hanggang minsan halos hindi ko na maaninag kung sino ako.
Susuhayan ng mga ito ang pagbanyuhay ng aking pagtula lalo na sa aspekto ng sining. Magiging malay ako sa paano, kailan, at bakit ng pagpuputol ng salita at pagtutugma. Lilinaw sa akin ang mga dahilan ng pagbabanggaan ng porma at nilalaman ng tula at kung bakit hindi dapat pagbanggain. Lalong magiging mataimtim ang pagpapakalulong ko sa pagtula nang makasalamuha ko ang mga makatang iniidolo ko.
Naging myembro ako ng GAT noong 1990 bago ito tuluyang malagutan ng hininga. Dito ako unang makakasaksi at makakaranas ng pagkatay ng tula at makakadalo sa isang pormal na pag-aaral sa pagtula. Matutuhan ko rito na ang pagtula ay hindi lamang expresyon ng saloobin kundi isa ring sining.
Malaki ang impluwensya ng mga worksyap sa GAT sa pagpapakinis ko ng aking akda at sa hindi ko pagsusulat. Dumating ang panahong kinakatay ko na ang aking tula hindi ko pa man ito naisusulat, lalo na kapag nasosobrahan ako sa pag-internalisa ng mga puna at papuri mula sa mga hinahangaan kong makata. Lalo na kapag naaalala ko ang mga katawagang inilalapat sa ipinapaworksyap kong mga tula: prosaic, cerebral, gasgas, para lamang reglang dumadaloy (mula kay Gelacio Guillermo), masyadong pribado ang mga imahen...
Natatandaan ko pang halos umiyak ako sa una kong pagpapaworksyap. Ni pamagat ng tula ko ay hindi pinatawad ni Fidel Rillo. Para pa naman iyon sa hinahangaan kong kadre. “Kay Onang: Isang Pagpupugay” sabi ko sa pamagat. Sino raw si Onang? Napaka-ordinaryong pangalan na walang kasigni-significance. Katay.
“Singtalim/ nang matang-lawin ang iyong paningin/ Singtalas ng talahib/ ang iyong salita” pagpapatuloy ko. Gasgas raw. Wala na bang bagong deskripsyon? Tanong ni Ariel Valerio. Katay. Magkaiba ang “nang” at “ng” at hindi basta-basta ang pagpuputol ng linya, paalala ni Ruel. Hanggang sa wala ngang natira sa tula ko kundi tuldok.
Sa panahong ito ako pormal na madodoktrinahan tungkol sa porma at nilalaman ng tula, tungkol sa tugma at sukat, tunog, metapora, imahen. Hanggang sa masumpungan kong sumusubok na ng iba’t ibang pamamaraan ng pagtula:
iwaksi sa isip ang dagundong
ng buldoser angil ng de-kabra
langitngit ng pako-yero-tabla.
iduduyan kita sa daluyong
ng himagsik-pagibig-pagasang
kumot ko sa lamig nitong gabi
habang tinatastas ko ang sulsi
ng pangakong panlagot-hininga
ng mahihirap. ay aking bunso
kailanma’y di tayo susuko.
(mula sa “ilalim ng alkitrang langit”)
lupaypay na pakpak bakit ihihimlay
paligid ay saklot na ng takipsilim
bawat puno't dampa'y tupok na kalansay.
pabigat na pingka sa hapong pagkampay
ang dugo't pulburang kaladkad ng hangin
lupaypay na pakpak bakit ihihimlay.
(mula sa “lupaypay na pakpak bakit ihihimlay”)
Di mo na kayang ipantawid-gutom
ang mga salita. Binusog kita
ng mga teksto at imahen
na nagpapalagablab
sa mga kamao’t istrimer
at ngayo’y dumidighay
ng katanungan
ang iyong
mga mata.
Hanggang
kailan
itay
?
(mula sa “kropek”)
Magkakaroon na ako ng tiwala sa sarili sa sa paggawa ng iba’t ibang tugmaan, paglalaro ng mga tunog, at pagputol ng linya. At makikita ko ang silbi ng sinasabi ni Carlos Bulosan na ang “nilalaman at porma ay hindi mapaghihiwalay na mga elemento ng makasining na paglikha” (40).
Samantala patuloy pa rin ako sa pag-oorganisa pero hindi na bilang pultaym. Mag-aasawa ako at magkakaanak. Kailangan ng tiyak na kita. Pumasok ako sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) bilang edukador ng karapatang pantao noong 1990. Mailalangkap ko sa aking mga tula ang mga konsepto at karanasang makukuha ko pagpapadaloy ng pag-aaral sa karapatang pantao. Sa tulang “mirasol”, halimbawa, ipinahahayag ko ang aking pagkamangha at paghanga sa mabilis at tiyak na pagsulong ng kilusan ng kababaihan:
pumapailanlang ang inyong tinig
at halakhak, umiindayog
ang inyong mga balakang
pumipilantik ang inyong mga daliri
kumakampay ang inyong mga kamay
tinutugis ninyo ang araw.
kamakailan
kayo’y mga lantang talululot
h i
w hi wa
a- l a
y .nag-iisa.
Pagpupugay ang tula sa mga kababaihang kumikilos para sa pagtatanggol ng karapatang pantao, partikular ng karapatan ng kababaihan.
Ang “ipalalasap nila sa ‘yo magiting na heneral ang pait ng digma at kapayapaan” ay tungkol naman sa malawakang paglabag sa karapatang pantao sa mamamayan ng Burma sa ilalim ng gobyernong-militar. Inilalarawan ng tula ang balik na bigwas ng kapangyarihang ginagamit sa pambubusabos:
didilim ang papawirin
magsasanga-sanga ang malalalim na bitak
sa marmol na iyong kinatatayuan
magiting na heneral
mula sa mga hanggahan
ng india, thailand, at tsina
magbabalik ang mga paruparo
at ang tinabas mong mga damo’t bulaklak
ipalalasap nila sa iyo
ang pait ng digma at kapayapaan
Sa panahon ng pagtatrabaho ko sa TFDP titining sa akin ang konsepto ng panagot-laya, kombinasyon ng pananagutan at kalayaan na ibabansag ko sa salalayang konseptwal ng aking pagtula. Huhugis na rin sa panahong ito ang pagtingin ko sa pagtula bilang pambubuliglig. Tatlong salik ang magsasalikop sa pagbbibigay-hugis sa pananaw na ito: una, pakikisangkot ko sa iba’t ibang isyung panlipunan; ikalawa, pagpasok ko sa malikhaing pagsulat sa UP Diliman kung saan mai-expose ako sa iba’t ibang teoryang pampanitikan; at ikatlo, pagkakabiyak-biyak ng kilusan na magtutulak sa akin para masusing magbalik-aral sa Marxismo.
Sa pag-aaral ko ng mga teoryang pampanitikan at sa malaya at masinop na pagbabalik-aral sa Marxismo, mas makikilala ko ang aking panulaan. Magkakaroon din ako ng pagkakataon na tingnan nang mas obhektibo ang aking buhay-pakikisangkot.
Sa buong panahon ng aking pagpaloob sa kilusan, iisa ang paglilingkod na nakilala ko – paglalaan ng buhay, ng lahat-lahat para sa sambayanan sa ilalim ng pulang bandila ng MLKMZ.
Akala ko noo’y natagpuan ko na ang pugad ng aking tula gaya ng pagkakasumpong ng mga formalistang Ruso sa makina bilang tahanan ng tula. Tulad nila, nagkamali ako. Kahit anong gawin kong pagtali sa ilong at pagtakip sa mata tulad ng sa kabayo, pilit na nag-umalma ang tula sa aking sarili, nakasilip ng buhay sa iba’t ibang kulay ng liwanag na naglalagos sa siwang ng takip nito sa mata.
Binaklas ko ang takip sa mata at tali sa ilong ng aking tula. At napatunayan kong hindi pala iisa ang depinisyon ng paglilingkod, hindi pala iisa ang daan ng paglilingkod.
Nananatili sa akin ang liyab ng paglilingkod sa sambayanan at ito pa rin ang nasa kaibuturan ng aking pagtula pero hindi sa iisang pamamaraang ipinapataw o itinatakda ng mga umaastang diyos. Nagliwanag sa akin ang kakiputan ng pagsunod sa kinang ng iisang Liwanag. Napatunayan kong may buhay, may tula, may pakikisangkot sa labas ng paglilingkod na una kong niyakap.
At napatunayan kong mas makabuluhan at makahulugan ang pagkilos na ginagatungan ng pag-aalinlangan at pagtatanong kaysa pagkilos na itinutulak ng walang hanggang katiyakan at de-kahong kasagutan.
Sa salimbayan ng samutsaring paratang mula sa iba’t ibang kampo sa kaliwa– rebisyunista, tuta ng imperyalista, kontra-rebolusyonaryo – naghunos ang aking tula. Inapuhap nito ang sarili, humanap ng bagong tinig hanggang magkalakas ng loob na buligligin ang mga diyos, ang kinamihasnang mga gawi. Sinuwag nito maging ang sarili.
At katulad ng lakas na naramdaman ko noong una akong magluwal ng tula tatlong dekada na ang nakakalipas, bumalikwas ang aking pagtula. Naramdaman ko ang karanasang inilalarawan ni Alice Walker tungkol sa kanyang pagtula. “There is a definitive restlessness,” sabi niya, “a kind of feverish excitement that is tinged with dread.” (250)
Hinarap ng aking tula ang sarili hindi upang tapikin sa balikat kundi upang suwagin. Upang wasakin at muling likhain. Tungo sa paglaya.
pâGÌLiNgK*uran EAng sam@BaY%an*a
TaNgi^ng #arma/doNg DOGMATISMO! *pAKi1kIb*aKa
pa Rin hIndI REPORMISMO! maGpA\@PabaGsa&k
Ma#luLutAs STALINISMO! Sa %TaTlo*Ng $ng ISM%o
HuklU@b?aNG p*am$a/maR#aa%n MAOISMO
ANg krisis KONTRA-REBOLUSYONARYO! =P%anLI'Puna#n.
Matainga TAKSIL SA BAYAN! sulang
redigm ksang yob nayan
kankala unyun suan ran ISTUPIDO!”
. . .
habang nangangalumata at humuhumpak ang pisngi
ng milyong masang puno’t dulo ng rebolusyon
at kandautot naman sa katatawa si Ramos at si Almonte
at ang CIA-IMF-WB-kapital et. al.
(mula sa “isulong ang rebolusyon”)
Kainitan ng bangayan sa pagitan ni Joema Sison at Popoy Lagman nang sulatin ko ang siniping tula. Matindi ang bugahan ng burak sa nabanggit na bangayan, lalo na noong unang bugso ng baklasan o sipaan o manyubrahan sa kilusan. Nilabusaw ng mga paratang ng dalawa sa isa’t isa ang isang payak at napakalinaw na panawagang pinagbuwisan ng maraming buhay sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka: paglingkuran ang sambayanan.
Tulad ng makikita sa tula, nabibilaukan ang personang nagsasabi ng unang linya, halos di na maaninag ang panawagang paglingkuran ang sambayanan. Gayundin, sa mga susunod na linya ay mas magiging malinaw pa ang mga salitang dogmatismo, repormismo, stalinismo, maoismo, kontra-rebolusyonaryo, taksil sa bayan, istupido – mga jargon na iniutot ng makipot na paniniwalang ako-lamang-ang-wasto. Mas matingkad pa ang ganitong mga paratang kaysa sa pagtinging tanging armadong pakikibaka lamang ang magpapabagsak sa mga ismong ugat ng kahirapa’t kaapihan ng sambayanang Filipino.
Resulta nito, nakade-kuwatrong nanonood sa kanila ang “kaaway” sa katauhan nina Ramos at Almonte at IMF-WB at kapital, kandautot sa galak na sinasaksihan ang kusang pagkawasak ng organisasyong mahigit 20 taon na nilang pinag-uukulan ng di-birong pondo at buhay para gibain.
Inumpisahan ko ang tula sa paglalarawan ng mga iniuuod na gilagid ng minsa’y itinuring kong mga diyos.
Ihuhudyat ng tulang ito ang realisasyon ko sa kaakuhan ng tula bilang pambubuliglig. Wala talagang dapat sambahin ang tula, dapat nitong suwagin ang lahat ng balakid sa paglaya maging ito ma’y diyos, maging ang kaniyang sarili. Hindi ito singkahulugan ng pagkawala ng komitment sa pagsusulong ng pagbabagong panlipunan; bagkus, ito’y pagtalima sa kaakuhan ng sining na maging kritikal. Sabi nga ni Max Adereth sa “What is Litterature Engagee?”:
A sense of social responsibility should be ... a critical sense, for the aim of commitment is not to foster illusions but rather to destroy them. The debunking of false values is an important characteristic of its approach. (464)
Pagsasawalang-kibo ang pinakapalsipikadong pagpapahalaga na dapat wasakin ng isang makatang nakikisangkot. Isa itong lukton na ngumangatngat hindi lamang sa uhay ng pagtula kundi maging sa ugat ng ng pagre-rebolusyon.
Mahirap para sa akin ang ganitong pihit ng pagtula. Mahirap suwagin ang sarili, lalo na ang mga pagpapahalaga at paniniwalang iniwi kong parang sariling sanggol sa mahabang panahon. Lalo na ang organisasyong kumupkop at nagturo sa akin ng pagkalabit ng kuwerdas at ng gatilyo. Pero ako ay makata; kailangan kong mambuliglig.
a
Baon ang latay at leksiyon ng nabanggit na karanasan, magpaptuloy ako sa pakikipag-daop-palad sa masang anakpawis. Magpapatuloy ako sa pakikisangkot, sa pagtula. Mkakasama ako sa pagbubuo ng bukalsining, isang organisasyong nakatuon sa sining at karapatang pantao. Sa proseso ng pag-oorganisa nito, inulan kami ng katakot-takot na akusasyon (rebisyunista, kontra-rebolusyonaryo, Trotskyista, isplitista, likidasyunista, at kung ano-ano pang hindi mawawaang jargon) at parunggit mula sa kung saan-saang kampo ng kaliwa. Ang siste, hindi masakyan ng marami sa amin ang mga paratang dahil nag-uumpisa pa nga lamang silang humakbang sa masalimuot na landas ng pakikisangkot.
Nakakatuwa. Noong magdaos ng unang konggreso ang bukalsining sa UP Vinzon’s Hall noong 1999, aba ay bongga. Ilang saglit lamang ay napaligiran kami ng mga banderitas na may nakasulat na “gaya-gaya”. Oo nga naman; nandiyan na ang Alay-Sining, Panday-Sining, Alab-Sining. Pero wala naman silang IPR sa salitang “sining” at isa pa’y anti-IPR ang bukalsining. Nagpatuloy pa kami.
Sa bukalsining, makakasagap ako ng sariwang talinghaga sa mga worksyap na ginagawa namin sa mga paaralan at komunidad ng mga maralitang taga-lungsod. Masasaksihan ko sa mga worksyap na ito ang mapagpalayang kapangyarihan ng tula. Ang mga kalahok na halos umurong ang dila sa pagpapakilala ng sarili ay nakakasumpong ng lakas ng loob sa tula. Mula sa simpleng pagsasanay sa paglalarawan ng mga bagay at karanasan, nahahawi nila ang lambong ng hiyang pinakapal at pinatubal ng samut-saring kahirapan at pagsasamantalang kanilang naranasan. Narito ang dalawang halimbawa ng mga tulang isinulat ng mga batang miyembro ng bukalsining sa naturang komunidad:
Kung tutuosin ang mga bata
o kabataan ang pag-asa
ng bayan
Ngunit sa mga araw na ito
tila bagang maagang
sumubok sa pakikipagsapalaran
ang mga batang nagtitinda ng
mga sampaguita
Minsan ngang sila ang
pinagtutuonan ng galit
na parang isang tupang
binubugbog ng amo
(mula sa “Ang Bata” ni Michelle Valdez, 11 taong gulang)
Mapagmataas
Ugali na ayaw ko sa lahat
sa kadahilanang parang
isang poste na kakapitan ng
wayr ng kuryente na kumakatawan
ng kayabangan
mapagmataas tila isang lion
na umaalulong
lang ay nagkakagulo at natataranta
ang mga munting hayop,
masunod lang kagustuhan.
William Rañola, 10 taong gulang
Sa mga tulang ito, dinalirot nina Michelle at William ang kanilang karanasan sa mundo ng matatanda at kahirapan. Ipinapakita ng tula ni Michelle ang mapait na kalagayan ng batang maralita na bukod sa maagang sumasabak sa trabaho ay madalas pang pagdiskitahan ng matatanda. Inilalarawan naman ni William ang kapalaluan ng mga taong mapagmataas na gagawin ang lahat para masunod lamang ang sariling kagustuhan.
Naaninag ko kay Michelle at kay William ang aking sarili noong una akong palayain at likhain ng tula tatlumpong taon na ang nakakaraan. Noong una kong maranasan ang aktuwal na operasyon ng kapangyarihan ng tula.
a
Sa gitna ng pagtulang nakikipagsabayan sa ingay ng pakikisangkot, manaka-nakang mauulinigan ko ang mga anas mula sa mga sulok-sulok ng aking sarili. Mga anas ito na mahirap isugpong sa kinagisnan kong tinig ng kapaki-pakinabang na pagtula kaya agad kong tinatakan ng “kaburgisan” at pinilit kong pausin sa mahabang panahon. Pero gigitaw at gigitaw ang mga ito lalo na sa mga oras ng matapat na komprontasyon sa sarili. Mambubuliglig, aapuhap ng artikulasyon, at huhugis bilang tula. At tutula ako tungkol sa pagnanasa, libog, romantikong pag-ibig, at kung ano-ano pang personal na danas at pamimilosopiya sa buhay. Tinatawag ito ni Virgilio Alamario na tulang “paloob”, nakasentro sa sarili at mahirap maunawaan (Balagtasismo Versus Modernismo: 1984, 210). Narito ang dalawang halimbawa:
flaslayt
kagabi,
isang saranggolang gawa
sa pinagtagpi-tagping bituin --
malamlam, mapusyaw, maningning
ang ating pinasisid sa abuhing langit.
gumewang-umalon-umekis
sa gabing walang ligalig.
ngunit iglap na napatid
ang pising nilubid
mula sa ating hininga
sa biglang pagsirit
ng liwanag
kasabay ng pagdayb ng ating saranggola
ginutay ng flaslayt ng isang estranghero
ang ating
mga mata
at hubad
na katawan
Ipinapakita ng tula ang lupit ng liwanag na walang pasintabing lumimbwasang sa mga taong nakikipagniig sa kapayapaan ng dilim. Patutsada ko ito sa mga taong mahilig magbandera o maggiit ng kanilang “kaalaman” nang walang pagsasaalang-alang sa paniniwala ng iba. Sa susunod na tula, inilalarawan ko naman ang akto ng pagtatalik. Mag-uumpisa ang tula sa deskripsyon ng halik na tila pagaspas ng paruparo sa kung saan-saang bahagi ng mukha. Tingnan ang huling bahagi ng tula:
at tumigil ang lahat.
ang lahat lahat
maliban sa pagparoo’t parito ng mga alon
maliban sa pagtaas at pagbaba ng mga alon
maliban sa paglukot at paglatag ng mga alon
maliban sa
pagparoo’t parito
pagtaas at pagbaba
paglukot at paglatag
ng mga alon
maliban sa
ritmo ng ating hininga
maliban sa
indayog ng ating katawan.
(mula sa “muli mong nilagok”)
Ang ganitong hilatsa ng pagtula, na maaaninag sa kauna-unahang tulang isinulat ko, ay na-etsapuwera ng mga tula kong “palabas”. Nagkamalay sa panahon ng Batas Militar, nilukuban ng espiritu ng pagtatalaga ng sarili sa Diyos, sinilaban ng buong puso’t kaluluwang paglilingkod sa sambayanan ... hindi ko talaga binigyang-puwang ang ganitong pagtula.
Mas prayoridad para sa akin ang pagtugon sa politikal na kahingian ng pagkilos. Ang oryentasyong ito ay sinusuhayan ng diwa ng selflessness, ng pagsasaisantabi ng sariling interes para sa ikabubuti ng nakararami, ng organisasyon, ng sambayanan. Oryentasyon sinuso ko sa seminaryo at sa kilusan. Tumatagos hanggang sa pagtula ko ang ganito. Sa katunayan, hangga ngayo’y luho ang tingin ko sa ginagawa kong pagsulat ng mga tulang “paloob”.
Gayunman, naniniwala ako na ang tulang “paloob” ay isa ring klase ng pambubuliglig ko sa sarili. Ipinambibihag ko ito sa mga karanasan kong tula lamang ang nagsisilbing artikulasyon. Isang paraan ito ng pagbibigay ko ng pangalan sa naturang mga karanasan tungo sa mas malalim na pag-unawa sa sarili. Nakakatulong ito sa pagresolba ko ng mga pansariling tunggalian at kahinaan. Sa ganito, nababawasan kundi man tuluyang nawawala ang personal kong bagahe at mas nagiging magaan ang aking pakikisangkot.
Sa muli kong pagsisid na ito sa kailaliman ng sarili, naramdaman ko ang kakaibang damdamin ng paglaya. Makikita ko ang kakulangan, ang kahinaan ng kinasanayan kong pagtula. Pero hindi naging madali ang ganito. Para akong tumatawid sa napakakitid na tulay, matamang naninimbang, at madalas mahulog. Isinisigaw ko: “isangkot, isangkot ang tula sa lipunan!” habang humuhugis naman sa dibdib ko ang pag-usisa sa napakapribadong damdamin. Minsan, babati sa isang hindi inaasahang pagkakataon ang anyaya ng isang bulaklak o isang gunita o isang personal na karanasan. Mambubuliglig.
Sa totoo lang, marami akong binigti na tulang pansarili dahil itinuring kong luho ang pagbuhay sa kanila. Pero hindi pala sila tuluyang nalagutan ng hininga, sumiksik lamang sa gilid. Nangangalabit, nangungurot, nanggugulat. Nambubuliglig.
At hinaharap ko sila ngayon. Hindi upang ilayo ang sarili sa lipunan o palabnawin ang pakikisangkot kundi upang patunayang ang sariling nagnanasa, humahanga sa bulaklak, nakadarama ng libog, nangungulila ay walang iba kundi ang sarili ring nagnanais ng panlipunang paglaya. Walang iba kundi ang sariling nagsusulong ng rebolusyon.
A, sino nga ba ang nakatitiyak? Ang bato man, sa kaniyang katigasan, ay tumitingala rin at humahanga sa dahon ng talahib. Giniginaw at nangangaligkig din sa ihip ng ng hangin at haplos ng hamog.
a
Bakit kailangan akong mambubuliglig?
Ipinaghele ako sa kandungan ng kahirapan. Sa murang edad ay naranasan ko ang pagngatngat ng gutom hindi lamang sa aking bituka kundi maging sa kawalang-malay ng kamusmusan. Ay! ilang kabilugan bang hindi ko nakaulayaw ang buwan dahil sa hindi mapigilang antok at pagod pagkatapos ng maghapong pamumulot ng palay? Ilang araw ba sa napakaraming tag-araw na hindi ko naikampay ang aking mga paa’t kamay sa mapagpalang tubig ng Ilog-Bundang dahil kailangan kong mamulot at maglako ng kuhol? Ilang makukulay bang panaginip ko ang binulabog ng maaga kong pagbangon para magtinda ng pandesal sa napakaraming madaling-araw na nangangaligkig pa sa ginaw ang buong Pantabangan?
Ang mapambilanggong kahirapang ito at ang walang katapusang tirintas ng inhumanidad na iniluluwal nito ang humubog sa aking kamalayan. Ito ang naghatid, at siya ring nagpalabas, sa akin sa seminaryo. Ito ang sumilab sa aking dibdib para makisangkot.
Dito nakaangkla ang aking pagtula. Tatlong dekada na ang nakararaan... Umaarangkada ang Batas Militar, nililingkis ng tubig-dam ang aming mga kalye at bukirin, nilalamukos ng hindi maipaliwanag na pangungulila at kawalan ang sintido ng aking kamusmusan – isinigok ko sa tula ang hapdi ng kalmot ng kahirapan. At naranasan ko, sa kauna-unahang pagkakataon, ang mapagpalayang kapangyarihan ng tula.
Paglaya iyon na nakasandig hindi sa pagtakas kundi sa pagharap sa sarili at sa daigdig; hindi sa pananahimik kundi sa pambubuliglig; hindi sa pagbibigay ng kasagutan kundi sa pagtatanong.
Sa sandaling iyon, tulad ng iba pang sandali ng pagbabasa at pagsulat ko ng tula, naranasan ko ang sinasabi ni Seamus Heaney ukol sa tula: “It becomes another truth”, aniya, “to which we can have recourse, before which we can know ourselves in a more fully empowered way”. (“The Redress of Poetry” 8)
Bakit kailangan akong mambubuliglig?
Sapagkat “Sa libingan ng maliit ang malaki ay may libangan”.
Gagawin ng iilang nagpipiyesta sa aking “libingan” ang lahat upang ako ay antukin at tuluyang makatulog. At ang aking pagtulog ay katumbas ng pagyukod sa ganitong inhumanidad at pangingisuko ng aking laya at kakayahang maging (capacity to become) na siyang kahulugan at kabuluhan ng aking pagkatao.3 Kailangang mambubuliglig dahil hindi dapat magkapuwang sa ating panahon ang pagkampante at pagkikibit-balikat.
Kailangang mambubuliglig dahil, tulad ng ilog, walang humpay ang daloy ng buhay. Kailangang tumugon, kailangang umangkop.
Wala akong ilusyon na kaya ng aking tulang gawing luntiang bukid ang Pantabangan Dam. Hindi rin ako nakatitiyak kung ang aking tula ay makapagtutulak sa mambabasa upang baguhin ang kaniyang kalagayan.
Ano kung gayon ang magagawa ng tula?
Hindi ako pinanghihinaan ng loob. Nakikibahagi ako sa optimismo ni George Seferi na nagsasabing ang tula ay may sapat ng lakas upang tumulong (“The Redress of Poetry” 9). At hindi ito isang optimismo o kaya’y wishful thinking lamang.
Sa ating kasaysayan, malinaw na ang panitikan – ang tula sa partikular – ay bahagi ng pagkilos ng mamamayan tungo sa kanilang emansipasyon at pambansang paglaya.
Kaagapay ng ating mga ninuno sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang tula. Kaakbay nila ito mula sa kanilang pagpana ng ilap na hayop, pagsagwan sa laot, pagbungkal ng lupa hanggang sa kanilang paghanga at pagkamangha, at pagtuklas, pagbihag at pagyukod sa kapangyarihan ng kalikasan. Kasalikop ito ng kanilang pagpapatulog ng sanggol, pagpapakasal, pakikidigma, paglalamay, pagdiriwang at pakikipag-ugnayan sa mga anito at diwata. (tingnan ang. pp.19-20 ng “The Folk Tradition” sa Tagalog Poetry ni BL Lumbera)
Sa paglipas ng panahon, maghuhunos ang tulang Filipino. Hahablutin ito ng dayuhan at ng mga Pilipinong nakikutsaba sa kanila mula sa sinapupunan ng sambayanan at gagamitin para sa pagkakamal ng yaman at pagsamba sa naturang yaman. Gagamitin nila ito para gawing banal ang mga hangal at lagyan ng sungay ang mga nag-aalay ng buhay para sa pag-unlad ng komunidad.
Ilan kayang ninuno natin noong panahon ng Kastila ang yumakap sa Kristiyanismo dahil sa tulang “May Bagyo man at may Rilim”?
Ngunit hindi tuluyang malalagot ang ugnay ng tula sa kanyang pinagmulan. Tataglayin ng mga makabayang makatang Pilipino, mula panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyan ang diwang “paglingkuran ang sambayanan” sa kanilang pagtula. Sa pamamagitan ng panulat nina Rizal, Bonifacio, del Pilar na bumawi sa tulang Filipino mula sa hipnotismo ng espada at krus; ng panulat nina Amado Hernandez, Jose Corazon de Jesus mula sa mahika ng libro at bala, masasaksihan ng Pilipino sa kauna-unahang pagkakataon ang kapangyarihan ng tulang umagapay sa adhikain ng sambayanang lumaya. Aling rebolusyon nga ba sa kasaysayan ng mundo ang hindi umamot ng lakas sa talinghaga?
At sa aking panahon, masasaksihan at makakadaupang-palad ko ang kapangyarihan ng tula na tumulong sa pagpapaliyab ng kilusang protesta noong sigwa ng dekada 70.
Mga halimbawa ng kantang ipinagrekrut sa aktibismo
Sa ganito ko ikinokontexto ang pagtula bilang pambubuliglig, bilang panagot-laya.
Proof: history
Sa pamamagitan ng paglalarawan ng iba’t ibang danas tao at realidad- panlipunan, nakakatulong ang tula sa mambabasa na tingnan sa sariwang perspektiba ang kaniyang sarili at kapaligiran. At mula rito ay mag-umpisa ang kaniyang pagtatanong, kundi man pagkilos tungo sa pagbabago ng kaniyang kalagayan. Sa kaniyang introduksiyon sa librong Marxists on Literarture: An Introduction sinasabi ni David Craig na:
Surely, if literature affects actions or changes someone’s life, it is not by handling out a recipe for the applying but rather by disturbing us emotionally, mentally, because it finds us... so that, after a series of such experiences and along with others that work in with it, we feel an urge to ‘do something’ or at least to ask ouselves the question...’what is to be done?’ (22)
Malinaw dito ang papel ng tula bilang instrumento ng pambubuliglig. Pero sinasabi niya na hindi iisa ang salik na nagbubunsod ng pagkilos. “It is the whole of your personality”, aniya, that is involved when you act, and literature helps to mould or to re-align your personality by widening and by sorting your experience.”
Sinasabi dito ni Craig na hindi makapanliligalig ang literatura sa pamamagitan isang bigwas lamang. Ibinubunga ito ng magkakatulad na karanasan at mas higit, kailangang masumpungan nito ang mambabasa. Dito pumapasok ang masalimuot na usapin ng epektibong pagtula.
a
Kailan nga ba masasabing epektibo ang isang tula? Gusto kong maging tapat: hindi ko alam ang sagot. Gayunman, gusto kong ibahagi ang karanasan ko sa napakasalimuot na dawag ng usaping ito. Oo, isang itong gubat na nang pasukin ko ay binulaga ako ng nagsakliwat na mga tanong. Mga tanong na nang umpisahan kong sagutin ay kaagad nanganak ng mas marami pang mga tanong. Ilang beses ko nang pinagbali-baligtad ang aking damit; pero hindi pa rin ako nakalalabas sa naturang gubat hangga ngayon.
Totoong gaano man pagbali-baliktarin ng mga formalista ang mundo at gaano man katindi ang kanilang paggigiit na ang pagtula ay kumbinasyon lamang ng mga tunog at salita (Trotsky 371), hindi pa rin nila maikakaila na ang taong makikipagniig sa mga tunog at salita ay nakatuntong sa lupa.
Hindi ko kailanman maikakaila na habang humahabi ako ng tula ay may mga taong kinukuba ng pabrika sa paghabi ng isusuot kong damit.
Dahil dito, hindi ko maaaring solohin ang aking tula. Bago ko pa man ito maisulat, inihasik na ito ng mga magbubukid sa kanilang araw at gabing pagtalunton sa pilapil at pakikipagtuos sa panginoong may-lupa. Hinabi na ito ng mga manggagawa sa kanilang pakikipagbuno sa makina at sa kapitalista. Pinasan na ito ng mga kargador, ibinarikada na ito ng mga maralitang taga-lungsod, isinigaw na ito ng mga bendor. Tumulo na ito sa noo ng batang lansangan sa kanyang pagtitinda ng sampagita at sigarilyo habang nakikipagpatintero sa mga jipni at pulis. Iginiling na ito ng balakang ng mga babaeng pinuputa ng lipunan.
Kaya naniniwala akong kahungkagan ang pagtulang purong pagkampay lamang. Mawawalan ng kamandag ang tula kung walang aatupagin ang makata kundi magpakatayog at magpakabulag sa liwanag o magpakalalim at maglunoy sa dilim.
Kailangan kong humalik sa lupa. Hindi upang manikluhod at magpaalipin kundi upang kilalanin ang aking mga ka-manlilikha. Pananagutan at kalayaang kong papaglingkurin sa kanila ang aking akda; likumin sa aking mga tula ang kanilang mga hinaing, kabiguan, pakikibaka at pangarap bilang sarili kong hinaing, kabiguan, pakikibaka at pangarap; “...awitin/ ang bawat tilamsik/ ng dugong bumukal/ sa parang at gulod” (Santiago 247)
Pananagutan at kalayaan kong mambuliglig
sapagkat saksi ako, matahimik ba akong makakaawit
Ng luntiang bukid at sariwang simoy
Habang nararanasan ang katotohanang ibinabaon ng kabulaanan
Ang liwanag na tinatabingan ng ipokrisya’t batas.
(Almario 225)
Kung gayon, pananagutan at kalayaan ko bilang makata ang makisangkot sa pagsisikap ng anakpawis na gagapin ang batas at daloy ng kasaysayan tungo sa aming paglaya (San Juan 89).
Pero malinaw sa akin na ang pananagutan at kalayaang ito ay hindi dahilan para umasta akong tagapagligtas ng sambayanan. Minsan din akong nahulog sa ganitong patibong. Ipinalagay kong ako ay isang mesiyas na magtuturo ng pasikot-sikot ng kaligtasan. Maalam at angat sa iba, lalo na sa uring anakpawis. Kailan ko lamang naisaloob ang kahulugan ng mga katagang “matuto sa masa” at “mula sa masa tungo sa masa”. Kailan ko lamang naisaloob ang kahulugan ng kababaang-loob.
Inakala ko noon na ang tanging makabuluhang pagtula, ang pagtulang naglilingkod sa sambayanan, ay yaong taimtim na nagpapaalingawngaw ng mga salita ng mga itinuturing na henyo ng kilusan. Pero napatunayan kong pagkabansot kung hindi man kamatayan ng aking pagtula ang idudulot ng ganitong pag-aasal loro.
Pinaglilingkod ko ang aking tula sa sambayanan hindi dahil sa kumand ng kung sinong umaastang tagapamandila ng interes ng sambayanan kundi dahil ang pagtula bilang panagot-laya ay isang pangkasaysayang pangangailangan (Trotsky: Formalist 370). Kahingian ito ng kasaysayan na hindi ko kayang palagpasin o takasan (370).
Ang pagtugon sa kahingiang ito ang takdang-guhit ng aking kalayaan, takdang-guhit na hindi sumusupil kundi nagpapalago ng aking bagwis at gumagabay sa tunguhin ng aking pagkampay.
Itinuturing ko itong isang kababaang-loob – pagbabalik at paghalik sa matang-tubig na pinagmumulan ng mga saluysoy ng aking pagtula.
a
Sa kabuuan, ang puntirya ng pambubuliglig ay pagpukaw ng kamalayan. Isa itong pagtulong sa mambabasa na muling tingnan, kuwestyunin, at usisain ang kanyang mundo at sarili sa sariwang perspektiba. Isang paraan nito ang pagbubunyag ng mga panlipunang katotohanan – pagdarahop, diskriminasyon, karahasan, pandarambong sa kaban ng bayan, atbp. – na pilit na tinatakpan ng samut-saring kasinungalingan at panlilinlang. O kaya nama’y paglalantad ng mga kasinungalingan – guhit ng palad, kalooban ng Diyos, at iba pang uri ng panlilinlang – na komokondisyon sa taong tanggapin na lamang ang kaniyang kalagayan sapagkat ito ang itinakda at wala siyang magagawa kung gayon upang baguhin ito. O kaya nama’y pagsisiwalat ng pambabaluktot sa kasaysayan, paglalarawan ng tungalian ng mga uri sa lipunan, o pagpapakita ng alternatibang buhay o lipunan. O kaya nama’y simpleng paglalarawan ng pang-araw-araw na indibidwal o kolektibong karanasan na makahihikayat sa mambabasa na usisain ang sariling buhay.
Anumang paraan ang gamitin, ang tula ay kailangang mambubuliglig.
Bakit kailangang mambuliglig? Naalala ko ang analogy ni Socrates kaniyang sarili, na isang pilosopo, bilang gadfly. Ayon sa kaniya, itinalaga siya ng diyos upang manggising o magdulot ng aporia (ligalig). Partikular niyang tinutukoy na dapat gisingin o ligaligin ang estado na ihinalintulad niya sa isang malaki at mabagal na kabayo (“The Apology” 436).
Bakit kailangang manggising, manligalig? Kasi mayroong natutulog, mayroong kampante. Sa aking interpretasyon, tinitingnan ni Socrates Bilanggo tayo ng samu’t saring kaisipan at kaayusang bumabansot sa ating pagkatao at pagkabansa. Kailangang makisangkot, kailangang mambuliglig – kailangang tumula. Kung nais nating lumaya.

1 bunkhouse
2 Kay Jess Santiago ko unang mararanasan ang rejection sa pagtula. May concert sila ni Pancho Lara sa Cebu noong 1981 at sa seminaryo namin sila nakituloy. Sa proseso ng tagay-kuwentuhan-kantahan, naglakas loob akong ipabasa kay koyang Jess ang isa sa mga tula kong pulido ang tugma at sukat. Baka sakaling makaamot ng himig sa aydol kong mang-aawit. Pagkatapos niyang sulyapan, inilapag niya ang tula. Sumyat at kumanta ng isa niyang komposisyong noon lamang daw niya ipinarinig sa iba: isang estranghero ang minsang naligaw/ ang biglang pumasok sa aming tahanan/ binuksan ang baul ang kaban ng yaman/ sa pagmamadali niya’y tumapon ang laman/tumapon sa sahig lumikha ng ingay...Wala ni ha ni ho sa aking obra. Iyon ang panimulang leksyon ko tungkol sa halaga ng imahe at tunog sa tula.
3 Sabi ni Karl Marx: “Freedom is so much the essence of man that even its opponents realize it”; at ayon naman kay G.W.F. Hegel: “If to be aware of the idea – to be aware, i.e., that men are aware of freedom as their essence, aim and object – is a matter of speculation, still this very idea itself is the actuality of men – not something which they have, as men, but which they are.”